Ni: Louie C. Montemar
Sa isang kumperensiya na may temang Challenges to a Rules-Based International System: Moving Forward, binigyang pansin ng pangunahing tagapagsalita na si Hon.Mark Field, British Minister of State para sa Asya at Pasipiko, na ang ganitong pandaigdigang kaayusan ay may “positibong epekto sa pandaigdigang seguridad at kaunlaran, proteksyon ng mga mamamayan at bansa, at tumutulong sa mga bansang makamit ang ang kanilang potensyal.”
Makikita ang katunayan nito sa pagsulong ng karamihan sa mga bansang sumunod sa adhikaing ito matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, pitumpong taon na ang nakararaan. Ayon kay Field, ang “internasyunal na sistemang nakabatay sa patakaran” o RBIS ay “isang network ng mga kasunduan at institusyong nangangailangan ng suporta ng bawa’t bansa upang patuloy na protektahan ang mamamayan at gawing mas maunlad ang lahat ng mga bansa.”
Sinusugan ni Hon. Amanda Gorely, embahador ngayon ng Australia sa Pilipinas, ang pananaw ni Field. Sinabi niya na magandang magkaroon ng isang malinaw na panuntunan hinggil sa South China Sea (para sa mga Tsino) o West Philippine Sea (para sa mga Filipino). Sa pamamagitan nito, ang mga bansang may hinahabol na interes sa usapin ay maaring “makipagtulungan at makipag-ayos upang malutas ang kanilang mga pagkakaiba ng pananaw kaysa sa gumamit ng mga banta o lakas.”
Pahayag naman sa kumperensiya ni Professor Francisco Magno ng De La Salle University, na malinaw na ang mga awtokratikong pamahalaan sa mundo at mga populistang pinuno ay nagsisikap na magtatag ng alternatibong kaayusang pampulitika na “pinamamahalaan ng lakas kaysa sa mga internasyunal na batas o patakaran.” Binigyang-diin niya na kailangang bigyang pansin kung paano naluluklok sa mga bansang may liberal na demokrasya ang mga populista, nasyonalista, at mga puwersang xenophobic at tila dito nakahahanap ng suporta ang mga kontra-ideya sa isang kaayusang pandaigdigang gaya ng inilatag ng mga kinatawan ng Britanya at Australia.
Sa puntong ito ni Prof. Magno mas nagiging makabuluhan na pag-isipan mabuti ang inihayag ni Raul Pangalangan, isang hukom sa International Criminal Court (ICC) at dating dekano ng College of Law ng Unibersidad ng Pilipinas, na “ang pinakamainam na paraan upang palakasin ang pamamayani ng batas sa daigdig ay ang pagpapalakas nito sa loob ng isang bansa.”
Sa isang banda, magandang pag-isipan din naman ang tila namimilosopong tanong na “patakarang pandaigdigan mula kanino at para kanino?” gaya ng nilalatag ng Tsina? Subalit mas naging matingkad sa pagdalo natin sa kumperensiyang ito na itinatag ng Stratbase-ADR Institute for Strategic and International Studies (ADRi), na ang mga hinaharap nating usapin kaugnay sa ating relasyon sa bansang Tsina ay mangangailangan ng matibay na paggalang sa mga batas sa loob ng ating bansa. Paano nga naman natin aasahan ang suporta at respeto ng ibang bansa at ang kanilang mga pinuno kung hindi natin igagalang ang mga karapatan at kagalingan ng ating sariling mamamayan.
[Maaaring bisitahin ang website ng Stratbase ADRI sa https://adrinstitute.org/]