Pinas News
SA wakas ay nagbago rin ang desisyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) matapos ang mahigit isang linggo nang nagpahayag na aatras ito sa pagsali sa 2018 Asian Games.
Hindi maikaila na marami ang nagulat sa naging desisyon ng SBP sapagka’t nakapanghihinayang naman na walang kakatawan sa Pilipinas sa basketball competition sa Asian Games kaya marami ang nadismaya sa unang desisyon ng SBP sa kabila na handang magbigay ng suporta ang PBA na magpapadala ito ng team sa naturang sports.
Isa na nga dito ang basketball enthusiast na si Special Assistant to the President Bong Go. Malaking tulong ang panawagan ni Go na i-rekonsidera ang kanilang naging desisyon.
Dahilan ng SBP na bawaiin ang partisipasyon nito sa Asiad ay upang mai-regroup ang National Team at ang kanilang organisasyon eksaktong isang linggo nang ipalabas ng FIBA ang sanction nito sa Pilipinas matapos ang rambolang nangyari sa pagitan ng Pilipinas at Australia team sa World Cup qualifiers.
Sampu sa mga players ang nasuspende maging ang Head coach na si Chot Reyes ay nasuspende rin dahilan upang mabawasan ang bilang ng mga manlalaro ng basketball para sa naturang kompetisyon at walang tatayong coach sa koponan ng Pilipinas.
Ngunit nakahanda sanang humalili ang Rain or Shine Painters kasama ni coach Yeng Guiao bilang mga kinatawan ng Pilipinas sa Asian Games at sa katunayan at naisapinal na ang lahat nang sa bigla ay bumawi ang SBP sa kasunduan nito sa PBA.
Kaya malaki ang ginhawang naramdaman ng mga fans ng Pilipinas team nang sa muli ay kinumpirma na ng BSP na pinal na ang desisyon nila na magpalista muli para sa Asian Games na gaganapin ngayong Agosto 18 sa Indonesia.
Kahit na ilang araw na lamang ang paghahanda ng koponan ay malaki naman ang suporta mula sa fans lalo na sa Malakanyang na nangakong susuporta ito sa team Pilipinas sa lahat ng pangangailangan ng koponan.
Kabilang sa 14-man pool para sa Asian Games ang Elasto Painters na sina Maverick Ahanmisi, Chris Tiu, Gabe Norwood, James Yap, Beau Belga at Raymond Almazan na bubuo sa bagong Gilas Pilipinas squad kasama ni Paul Lee ng Magnolia, Christian Standhardinger ng San Miguel Beer, Stanley Pringle ng Global Port, Poy Erram ng Blackwater, Don Trollano ng TNT at Asi Taulava ng NLEX. Kasama rin ang Gilas Cadets na sina Kobe Paras at Ricci Rivero na kumumpleto sa lineup. Go Pilipinas!