Pinas News
NOONG una ay inaasahan na bababa ang bilang ng tourist arrival sa bansa dahil sa pansamantalang pagsara sa kilalang tourist destination, ang Boracay Island.
Ngunit kapansin-pansin sa talaan na mas tumaas pa ito sa mahigit sampung porsiyento kung ikumpara sa nakaraang taong bilang ng tourist arrival mula buwan ng Enero hanggang Hunyo.
Naitala ngayong taon na may 3.7 milyong foreign visitors na dumating sa bansa mula Enero hanggang Hunyo, mataas ng 10.4% sa 3.3 milyong bilang na naitala sa parehong buwan ng nakaraang taon.
Kung gayon ay hindi nakaapekto ng husto ang pansamantalang pagsara sa Boracay. Lumabas na tama ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang parumi nang paruming isla na hindi nabigyang pansin sa mga nakaraang namamahala sa bansa.
Kung hindi kaagad naagapan ang Isla ng Boracay ay malamang mas lala pa ang sitwasyon nito. Salamat na lamang sa desisyon ng ating Pangulo na kailangan linisin ang lugar sa kabila ng marami ang hindi sumang-ayon dito dahil nakakaapekto raw sa pagdagsa rito ng mga turista.
Mas nakita ng Pangulo ang kahahantungan ng Boracay sa hinaharap kaya naman ay hindi siya nagdalawang-isip na sa kabila na aasahang bababa ang kita ng turismo ay mas pinahalagahan ng Pangulo ang kalinisan, kaayusan at kagandahan ng ating pangunahing tourist destination.
Dahil dito ay mas aasahan pang tataas ang bilang ng mga turista lalo na’t pormal na muling bubuksan ang Boracay Island sa huling araw ng Oktubre na tumataon sa holiday seasons ng bansa.
Maraming mga turista ang magkakainteres sa malaking pagbabago ng Boracay dahil siguradong mas malinis, mas maayos at mas maganda na ito kaysa dati.
Siguro naman ay matututo na rin tayong magtiwala sa mga desisyon ng ating Pangulo. Nakikita naman natin na tapat ang Pangulo sa lahat ng kanyang mga pangakong gumanda ang buhay ng mga Pilipino.
Pero kung tutuusin ay hindi lamang ang Boracay ang nangangailangan ng paglilinis sa lugar kundi maging ang iba pang mga kilalang tourist destination ng bansa.
Hihintayin na lamang natin kung anong tourist destination na naman ang mapapansin ng Pangulo na nangangailangan ng matinding paglilinis. Sigurado na meron ‘yan.