Ni: DV Balanco
Marami ang naging implikasyon sa pagkakatalaga ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong Speaker ng Mababang Kapulungan at isa na rito ang pagdesisyon kung anong partido ang kikilaning minorya (minority party) at kung sino ang dapat na tanghaling pinuno ng minorya sa Mababang Kapulungan o minority floor leader. Dahil dito ay tila nagkakaroon ng mga nagbabanggaang pananaw at samu’t saring opinyon sa pagitan ng iba’t ibang partidong politikal na maaring magpabagal sa mga gawain ng kamara.
Lumalabas na may tatlong pananaw o bersyon na umaako na sila ang minorya. Ang unang bersyon ay nagsasabing sila ang minorya at ang pinuno ng minorya ay dapat manggaling sa kanila sa kadahilanang sila ang minorya na nagpatalsik sa dating House Speaker at nagluklok sa bagong speaker.
Ang pangalawang bersyon ay nagsasabi na sila ang dapat na kilalaning minorya sa mababang kapulungan ay dapat sa kanila magmula dahil sila ang dating mayorya na pinalitan ng ngayon at mayorya.
Ang pangatlong bersyon ay sumasandal sa perspektibo na sila ang dapat na taguriang minorya dahil sila ang dating pinakaunting minorya samakatuwid ang pinuno ng minorya sa kamara ay dapat manggaling sa kanila, idagdag pa ang katangian na hindi sila bumoto o nag-abstain sa pagkakahalal ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo na ang ibig sabihin ay nanatili silang minorya o oposisyon hanggang sa kahuli-hulihan.
Kung ating susuriin ang bawat bersyon ay may karampatang pagsubok. Halimbawa, sa unang bersyon ay masusuri natin na hindi sila puwedeng maging minorya dahil sila mismo sa hinaharap o maging sa kasalukuyan ang magiging mayorya bilang mga kaalyado na nagluklok sa bagong Speaker ng mababang kapulungan.
Samakatuwid mahihirapan silang maging tunay na boses ng oposisyon sa kamara dahil sila ay malapit at kakampi ng bagong House Speaker.
Sa pangalawang bersyon naman, bagama’t sa kanilang partido nanggaling ang pinalitang House Speaker, hindi ito nangangahulugan na sila ang magiging minorya o oposisyon dahil karamihan sa mga miyembro ng mababang kapulungan ay nagmumula sa kanilang partido. Lumalabas na sila pa rin halos ang may kontrol ng mayorya maliban na nga lamang kung ang malaking bahagi ng kanilang mga miyembro ay tatawid sa ibang partido politikal. Sa parte naman ng pangatlong bersyon, ang pag-ako na sila ang minorya ay hindi nakasalalay lamang sa kauntian na lang ang kanilang kasapi kung hindi nakasandig sa kakayahan nitong maging epektibong minorya at oposisyon sa pamamagitan ng pakikipagkapit-kamay at pakikipagbuklod sa iba pang partido politikal.
Sa huling pagtutuos, malinaw na alinman sa tatlo ay puwedeng maging tunay na minorya at oposisyon sa mababang kapulungan depende sa mga sumusunod na paggalaw ng mga partido at batay sa magiging hatol ng Korte Suprema. Sa bandang huli ay dapat nating tandaan na ang isa sa mga mahahalagang sangkap ng tunay na demokrasya ay ang pagkakaroon ng totoo at tunay na minorya at oposisyon sa isang demokratikong institusyon tulad ng mababang kapulungan.