ANG pinakamanipis na balat ay matatagpuan sa talukap ng iyong mga mata na may kapal na 0.22 mm.
Ni: Kristine Joy Labadan
ANG dark circles sa ilalim ng mga mata ay nakakapagpatanda ng ating hitsura tulad ng kulubot sa ating mukha o mga puting buhok. Wag mag-alala, ang mga dark circles ay hindi permanenteng nanatili at may tamang paraan para ito ay mawala.
1.) ALAMIN ANG SANHI NITO
Ugaliin ang pagtulog dahil ang kakulangan nito ay nagdudulot sa iyong balat ng pamumutla dahilan para mas lalong maging kapansin’pansin ang dark circles sa ilalim ng mga mata. Alamin ang oras kung gaano katagal dapat matulog (kadalasan ito’y pito hanggang walong oras). Ugaliing matulog nang maaga at may sapat na oras. Sa loob lamang ng ilang linggo makikita na ang epekto nito sa iyong hitsura.
Maski ang paggamit ng alkohol at droga ay may negatibong epekto sa iyong pagtulog. Para makakuha ng magandang resulta, umiwas muna rito o di kaya’y madalang nang gumamit nito o tuluyan nang iwanan ang mga nakasisirang substance na ito.
Isa pang sanhi ng dark circles sa ilalim ng mga mata ay ang baradong ilong dahil ang mga ugat sa iyong sinus ay maitim at nakabukas. Gumamit ng over-the-counter nasal spray upang malinis mo ito o di kaya kung may sinus infection ay uminom naman ng antibiotics na iri-reseta ng doktor.
Sanayin din ang sarili sa regular na pagkain ng mga masustansyang gulay at prutas kasabay ng madalas na pag-inom ng maraming tubig at bitamina. Ang kakulangan sa bitaminang K o antioxidants ang nagri-resulta rin ng dark circles kung kaya’t siguraduhing hindi ito ang dahilan.
2.) PAGGAMIT NG MGA NATURAL NA REMEDYO
Ang paggamit ng cucumber ay matagal nang napatunayang epektibo sa pagbawas sa pamimintog ng balat sa ilalim ng mga mata. Lagyan ng hiwa ng cucumber ang mga matang nakapikit at magpahinga nang nakahiga sa loob ng 10-15 minuto.
Ang paglalagay ng cucumber sa refrigerator bago ito gamitin ay mas makakatulong sa pagbawas ng dark circles sa ilalim ng mg mata dahil sa cooling properties nito na maihahalintulad sa epekto ng isang cold compress.
Ugaliin ding magpraktis ng meditasyon o regular na mag-ehersisyo. Ang mga dark circles ay maaaring resulta ng stress sa pang araw-araw mong gawain kung kaya naman ang pagtanggal sa sistema ng tensyon at stress, sa dakong huli ay makakatulong na matanggal ang dark circles sa ilalim ng mga mata.