Ni: Dennis Blanco
SA katatapos na 18th Asian Games na ginanap sa Palembang, Indonesia noong Agosto 18 hanggang Setyembre 2, muling pinatunayan ng mga Pilipinong atleta na kaya nilang makipagsabayan sa mga pinakamagagaling na atleta sa buong Asya.
Ito rin ang naging daan sa pagkakatuklas ng mga bagong bayaning atleta na nagbigay sa bansa ng karangalan — ang apat na medalyang ginto. At ang nag-uwi ng mga ito ay pawang mga kababaihan.
Una na si Hidilyn Diaz sa weightlifting; naroon rin sina Yuka Saso sa women’s individual golf, Yuka Saso muli kasama si Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go sa women’s team golf at si Margielyn Didal sa women’s street skateboarding division.
Ang kanilang talino at galing ay pinanday ng mga pagsubok at pinatibay ng kakaibang tapang upang makamit ang pinakaaasam-asam nilang tagumpay. Ngunit higit sa lahat, pinatunayan nila ang lakas kababaihan na hindi basta basta magugupo ng hirap. Sila ay bayani hindi lamang sa mundo ng palakasan kundi sa araw-araw na hamon ng buhay.
Ang pag-uwi ni Hidilyn Diaz ng medalyang pilak mula sa 2016 Olympic Games ay pormal na simula ng pagbuhat niya ng mas malaking responsibilidad sa bansang matagal nang uhaw sa karangalan sa Olympiada.
Mabigat ang pasan niya sa kaniyang mga balikat sa pagpunta sa Indonesia.Kaya naman, nang kaniyang iuwi ang gintong medalya, hindi lang siya nag-uwi ng tagumpay kundi binuhay niya ang pag-asa ng bawa’t atletang Pilipino na mapagtatagumpayan ang lahat ng hirap at makakamit ang ginto sa pandaigdigang entablado.
Dahil ang Asian games ay isa lamang patimpalak pang rehiyon kung ihahambing sa Olympics na pandaigdigang kumpetisyon, ay mas lalong umasa ang sambayanan na tiyak na maiuuwi niya ang gintong medalya para sa bayan. Pero imbes na bumigay sa mga pressures dala ng mga expectations na ito, ginamit ito ni Hidilyn na motivation para ibigay sa Pilipinas ang una nitong medalyong ginto.
Kakaiba namang kabayanihan ang ipinakita ng ating mga Asian Games Women’s Golf Champions na sila Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go. Ipinamalas nila ang kanilang tunay na kagitingan hindi lamang sa pagkakapanalo ng gintong medalya kung hindi pati sa kanilang pag-aalay ng insentibong humigit kumulang na P16.8 milyon na kanilang matatanggap mula sa pamahalaan at iba pang pribadong sektor sa National Golf Association of the Philippines (NGAP). Ang cash incentive nila ay kanilang ilalaan para sa mga pagsasanay at sa mga programang naglalalayong pahusayin pa ang mga Filipino golfers.
Ginawa rin nila ito dahil nais nilang mapanatili ang kanilang amateur status at nang sa gayon patuloy pa silang maging kinatawan ng Pilipinas sa mga susunod na pang-rehiyon na paligsahan tulad ng Southeast Asian Games at Asian Games ganun na rin sa Olympic Games at World Games.
Ilan pa kayang mga Pilipino ang kayang tularan ang kabayanihan ng ating mga women golfers na handang ialay ang buhay at kayamanan para sa kanilang kapwa manlalaro at sa kanilang bansa.
Hindi naman inalintana ni Margielyn Didal ang kahirapan para makamit ang pinakamimithing tagumpay sa street skateboarding, isang laro na nangangailangan ng lakas, tapang at tibay ng loob dahil isa itong extreme sport na malimit na tahakin dahil sa nakaaambang panganib na maidudulot nito sa kaunting pagkakamali lamang.
Maski sa mga regular na ensayo at paghahanda ay may hinaharap din itong banta at pagsubok — ang paghuli sa mga manlalaro nito ng mga awtoridad dahil sa pagbawal o kawalan ng lugar para sa pagsasanay nito. Ganunpaman, hindi ito naging hadlang para pag-ibayuhin ni Margielyn ang kaniyang ensayo sa hiram na lugar at espasyong itinuring niyang palaruan.
Sa bandang huli, ang tagumpay ng kababaihang atletang Pilipino ay selebrasyon ng Lakas Kababaihan na nakasalig sa pagkakapantay-pantay, kahusayan at kagitingan. Si Hidilyn, Yuka, Bianca, Lois Kaye at Margielyn ay mga torch bearer ng mga atletang nasa puso ang karangalan ng Pilipinas at ang kanilang lugar sa pandaigdigang entablado. Dapat silang maging inspirasyon ng lahat ng mga kabataan anuman ang antas nila sa buhay. Mabuhay ang kababaihang atletang Pilipino!