Ni: Prof. Dennis Blanco
ANG sunod-sunod na pagpatay sa mga pari, pulitiko at mamahayag ay nagdulot ng takot at pangamba lalung-lalo na mga simpleng mamamayan na maaaring naiisip na kung ang mga kinikilalang lider, mayaman at maimpluwensiya ay hindi ligtas sa kapahamakan, paano na kaya silang malilit at oridinaryong tao lamang? Paano na kung nalalagay sa kapahamakan ang buhay mismo ng mga alagad ng Diyos at mga mamamahayag sa Pilipinas, na kilala sa isa sa bansang may pinakamalayang pamamahayag sa Asya?
Sapat na ba itong dahilan upang ipagtanggol ang kagustuhan nila na magmay-ari ng baril para maipagtanggol ang sarili sa nakaambang banta sa kanilang buhay? Hindi ba ang pagkakaroon ng baril ay taliwas sa propesyong kanilang sinumpaan na maging mapayapa, mapagtimpi, makatarungan at higit sa lahat mapagpatawad.
Sa artikulong aking isinulat tungkol sa debate ng gun control sa Estados Unidos at sa iba pang bansa na pinamagatang, “The Gun Control Debate: Why Experience and Culture Matters?” na nilathala sa International Journal of Public Administration noong 2015, ipinaliwanag ko kung ano ang mga argumento ng mga organisasyon tungkol sa pagkontrol sa baril o gun control — ang samahang pabor sa pagkontrol ng pagmamay-ari ng baril o ang gunless society at ang pabor sa pagmamay-ari ng baril o pro-gun society.
Sa parte ng gunless society, isinisulong nila ang mga susmusunod na panukala, 1) ang pagbibigay ng permiso at lisensya ay limitado lamang sa paggamit nito sa sariling tirahan o tahanan, 2) na ang mga militar ay puwede lang humawak at gamitin ang baril kung nakauniporme at nasa tawag ng paglilingkod, 3) pagbibigay ng higit pang pagsasanay sa mga military at kapulisan kung paano mapapangalagaan at maseseguro ang kaligtasan, kaayusan at kalayaan ng bansa at ng kanyang mamamayan, 4)pagbibigay ng amnestiya o insentibo sa mga nagsusuko ng kanilang baril at, 5) paggawad ng mas mabigat na parusa at mahabang panahon na pagkakakulong at, 6) pangkalahatang pag-inspeksyon at pag-tsek kung sino ang may mga pag-aari ng baril.
Sa hanay naman ng mga pro-gun ay kinontra nila ang mga panukalang ito ng mga laban sa pagmamay-ari ng baril, ayon sa kanila ang mahalaga ay, 1) turuan at sanaying maging responsable ang may-ari ng baril, 2) mahigpit at epektibong pagpapatupad ng mga batas na may kinalaman sa pagsugpo ng pagmay-ari ng iligal na baril at iba pang armas, 3) karapatan ng bawat mamamayan na ipagtanggol ang kanilang buhay sa nagbabanta dito at, 4) lalong tataas ang kriminalidad dahil lalakas ang loob ng mga kriminal sa kawalan ng baril ng mga tao para ipagtanggol ang kanilang sarili.
Bilang paglalagom, sa tingin ko ay hindi na kailangang pang magbibibit pa ng armas ang mga pari at mamahayag, ang kailangan lamang ay paigtingin pa ng pamahalaan ang paghuli ng mga baril at armas na napupunta sa kamay ng mga masasamang loob, at dagdagan ang sipag ng mga militar at kapulisan para mapangalagaan at maprotektahan ang lahat ng tao dahil ito ang mandato na inaatang sa kanila ng estado. Tayo ay nananalig at umaasa sa ating pamahalaan sa pamamagitan ng mga militar at kapulisan na patuloy nilang ipagtatangol, poprotektahan at paglilingkuran ang sambayanan.