Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Hindi lamang bilang ng krimen ang matagumpay na naibaba ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kundi maging ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa.
Batay sa pinakabagong Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Hulyo. Sa kabuuang 71.56 milyong populasyon ng 15 anyos pataas, 5.4 porsiyento ang walang trabaho, na mas mababa kumpara sa 5.6 porsiyento na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Nakasaad sa resulta ng LFS na tumaas ang employment rate sa Pilipinas sa 94.6 porsiyento nitong Hulyo mula sa 94.4 porsiyento na naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon. Ibig sabihin, nasa 40.7 milyong Pilipino ang mayroong trabaho ngayon, kungsaan sinasabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ito ang pinakamataas na numerong naitala sa loob ng 10 taon.
Ang LFS ay isinasagawa sa buong bansa kada tatlong buwan upang makalikom ng impormasyon tungkol sa demographic at socioeconomic characteristics ng populasyon. Layunin din nito na makapagbigay ng istatistika sa estado at kalakaran ng trabaho sa Pilipinas, na binubuo ng employed, unemployed, at underemployed.
Ikinatuwa naman ng NEDA ang pinakabagong LFS dahil indikasyon umano ito ng mabuting bunga ng mga pagsusumikap ng Duterte Administration na maiangat ang kabuhayan ng mga Pinoy.
“An average of 1.17 million in additional employment has been created so far in the first three rounds of the Labor Force Survey. And this puts the government on track in meeting its target of 900,000-1.1 million employment generation for 2018,” wika ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.
Para kay Budget Secretary Benjamin Diokno isang magandang balita ang pagdami ng mga employed Pinoys sa gitna ng mabilis na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa o inflation.
“People are more tolerant of rising prices when they have jobs, rather than having no jobs,” sabi ni Diokno.
Ayon sa PSA, sumipa ang inflation rate ng bansa sa 6.4 porsiyento nitong Agosto. Sinasabi ng mga eksperto na dulot ito ng pagtaas ng presyo ng kuryente, pagkain, at gasolina.
Nakasaad din sa LFS na ang services sector ang nakapagtala ng higit sa kalahati ng kabuuang employment ng bansa, lampas sa 1.1 milyon. Ang sektor na ito ay binubuo ng mga industriya tulad ng warehousing and transportation services; commodities, securities, investment, information sector, investment services; professional, scientific, and technical services, health care and social assistance; arts, recreation, entertainment, at waste management.
Nagtala din ng 2.2 porsiyentong employment growth ang sektor ng industriya, o katumbas ng 172,000 na mga manggagawa.
“The shares of industry and manufacturing to total employment of 19.4 percent and 9.0 percent, respectively, are the highest in a decade. This is consistent with the strong expansion plans of manufacturing firms as a result of a more positive employment outlook for the period,” ayon sa NEDA.
Nguni’t sa kabila ng positibong marka ng employment sa LFS, nanatili namang mataas ang porsiyento ng mga kabataang tambay o youth unemployment sa 14.1 porsiyento.
“The share of inactive youth remains a concern. The government must equip students with industry-relevant competencies as well as increase their opportunities for work experience. A stronger academe-industry linkage should orient students better on career prospects,” wika ni Pernia.
UNDEREMPLOYMENT, TUMAAS
Bagama’t nabawasan ang mga tambay, tumaas naman ang puntos ng underemployment sa Pilipinas, mula 17.2 porsiyento (katumbas ng 7 milyong mga manggagawa), nitong Hulyo. Ito ay mas mataas kung ihahambing sa naitalang 16.3 porsiyento (6.5 milyong manggagawa) noong Hulyo 2017.
Ayon sa Organization for Economic Cooperation and Development, mayroong dalawang uri ng underemployment: visible at invisible. Ang visible ay kapag ang empleyado ay nagtatrabaho ng mas kaunting oras sa kanilang larangan. Ito yaong mga kumukuha ng isa o higit pang part-time jobs, dahil hirap makahanap ng regular na trabaho, para lamang maitawid ang pang araw-araw na mga pangangailangan. Samantalang ang invisible underemployment ay kapag ang empleyado ay nakapasok nga sa isang regular o full-time na trabaho pero hindi naman tugma ang kanyang skills sa posisyon.
Para sa kolumnista at political strategist na si Malou Tiquia, napakahalagang mabigyang pansin ang isyu ng underemployment dahil maraming mga Pilipino ang apektado nito.
“Bakit mas mahalagang tingnan ang underemployment? Dahil nandito ang mga mahihirap or 22 porsiyento na nasa poverty threshold. Dahil nandito sa numerong ito ang: New graduates at wala pang trabaho, ENDO (contractual) employees, Part-time employees, low-skilled employees, Agri workers, atbp,” aniya.
Aminado naman si Pernia na kailangan pa ng mga repormang magpapalakas sa mga abilidad ng Pinoy workforce upang matugunan ang hamon ng underemployment sa bansa.
“In order to meet our employment targets, government should provide an environment that is conducive to creating more and better jobs. It should prioritize policies and programs that address the issues of unutilized youth, unemployed youth, underemployment, and vulnerable workers,” wika ng kalihim ng NEDA.
“This package of reforms should include unemployment insurance as an additional safety net and important complement to labor market flexibility. In other words, we need to keep the labor market agile such that more workers and employers can take better advantage of growth opportunities, while still looking after our workers’ welfare,” dagdag ni Pernia.
BUILD, BUILD, BUILD, SOLUSYON SA UNDEREMPLOYMENT
Mataas naman ang kumpiyansa ni Diokno na malaki ang magagawa ng malawakang programang pang-imprastraktura ng pamahalaan upang matugunan ang underemployment sa bansa.
“We are confident that employment will really improve. We know that with Build, Build, Build going full blast, we are going to create a lot of jobs,” wika ni Diokno.
Ang Build, Build, Build ay ang PHP1 trilyong programang pang-imprastraktura ng Duterte Administration sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, na inaasahang matatapos sa 2022.
Nguni’t hindi pa gaanong kumbinsido dito si IBON Foundation Executive Director Sonny Africa dahil kung titignan anya ang istatistika ng PSA mismo, hindi pa ganoon kalaki ang positibong epekto ng Build, Build, Build sa paglikha ng trabaho sa ngayon.
“As of July 2018, 33,000 lang ang nadagdag na trabaho sa construction.’Yan ay sa kabila ng Build, Build, Build program na issue rin ang absorptive capacity ng mga ahensya. Mas malaki pa nga ang nadagdag na trabaho sa public sector na umabot sa 76,000,” aniya.
Kaya mungkahi niya sa kasalukuyang administrasyon, tutukan din ang mga kahinaan ng mga programang ipinapatupad.
“Hindi nasasapul ang problema. Walang inaamin ang gobyerno na may pagkakamali. Kailangan na maiwasto ito, at hindi lang panay band aid approach. Lahat naghahanap ng palusot kaya nakakalungkot,” wika ni Africa.