Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Matatandaang inilarawan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na mala-cesspool o parang poso-negro ang kalagayan ng isla ng Boracay sa unang bahagi ng 2018. Noon nabunyag sa publiko na kalunos-lunos na pala ang kalagayan ng kalikasan sa top tourist destination ng Pilipinas.
Dahil dito, minabuti ng Pangulo na ipasara ang isla noong Abril 26 upang bigyang daan ang rehabilitasyon nito, batay sa rekomendasyon ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF), na binubuo ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT), at Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ito ay sa kabila ng pangambang maapektuhan nito ang malaking kita ng turismo ng bansa, na isa sa mga nagpapatatag ng ekonomiya.
Kung ang mga Pinoy ay nag-e-effort sa pagba-balik-alindog upang maibalik ang dating pigura at ganda ng kanilang pisikal na kaanyuan, nag todo effort din ang pamahalaan na ibalik ang dating alindog ng isla na minsang binansagang “World’s Best Island.”
Giniba ang mga iligal na istruktura sa Boracay upang mapanatili ang kaayusan sa dalampasigan
Sa paglilinis at pagsasaayos ng Boracay, natuklasan din ng BIATF ang mga malalaking problema ng isla tulad ng garbage disposal, sewerage defects, at illegal wastewater dumping na matagal na panahong hindi naaksyonan. Tumambad din sa mga awtoridad ang mga isyu ng pagbaha, encroachment sa mga forestlands, missing wetlands, overpopulation, paglaganap ng algal bloom, at mga land disputes.
Batay sa report ng DENR Task Force Boracay, ang fecal coliform count sa isa mga drainages sa Boracay ay umabot sa 62,700 most probable number (MPN)/100mL, na higit na mataas sa standard na 400 MPN/100mL. Ibig sabihin, napakadumi na nga ng dagat doon. Kaya minabuti ng DENR na makipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders at sa Boracay Island Water Company at Boracay Tubi System Incorporated upang lutasin ang seryosong problemang ito.
“We have already changed our strategies. We looked at both the sewage and the drainage lines. All wastewater, including rainwater, shall undergo treatment before being discharged into the sea,” ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, chairman ng BIATF.
Siniguro rin ng ahensya ang istriktong pagpapatupad ng solid waste management, kung saan ang mga basura ay hahakutin araw-araw at dadalhin sa sanitary landfill sa mainland Malay. Kasama rin dito ang pagtutok sa operasyon ng Balabag at Yapac materials recovery facilities.
Bukod dito, ipinatigil ang mga iligal na konstruksyon at giniba ang mga istrukturang di awtorisado. Pinagsabihan din ng DENR ang mga establisamiyento na lumalabag sa 25+5 meters easement regulation.
Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat
NEW AND IMPROVED BORACAY
Pagkatapos ng anim na buwang rehabilitasyon, nakatakda ang muling pagbubukas ng Boracay sa publiko sa Oktubre. Ayon sa BIATF asahan ang isang malinis at mas magandang Bora. Kamakailan nga ay ipinasilip ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa social media ang maaliwalas na dalampasigan ng isla.
Mabibigyan ang ilang turista ng pagkakataong maka-buena mano sa pagbabalik-alindog ng isla sa dry run na gaganapin mula ika-15 hanggang ika-25 ng Oktubre, bago ang soft opening ng Boracay sa ika-26.
“This will be open to local tourists, with Aklanons as priority, and allow us to assess what else needs to be done before the island is reopened to all tourists—both domestic and foreign—on October 26,” ayon sa pahayag ng BIATF.
Ayon kay Puyat, nasa 3,000 hanggang 5,000 mga kwarto ang matutuluyan ng mga mauunang turista. Samantalang ang papayagan lamang makapag-operate sa soft opening ay yaong mga “100 percent compliant” na mga establisamiyento.
Nguni’t pinaalalahanan ng BIATF ang publiko na hintayin muna ang ilalabas ng pamahalaan na listahan ng mga hotel at mga establisamiyentong awtorisadong magbukas bago magsagawa ng reserbasyon.
New and improved Boracay pagkatapos ang anim na buwang rehabilitasyon
PARTY-PARTY, BAWAL NA
Bago ang pagsasara ng isla, maliban sa mala-pulbos na buhangin at mala-crystal na tubig, dinadayo ang Boracay ng libu-libong mga lokal at dayuhang mga turista dahil sa mga beach parties dito na inaabot ng magdamagan.
Subali’t mukhang maraming party-goers ang maninibago’t madidismaya dahil bawal na ang ganitong aktibidad sa isla dahil nais ng DOT na gawing family friendly at normal na tourist destination, sa halip na isang party island, ang Boracay.
“It won’t really be a party place anymore. We want it to be as it is, more peaceful, and we want to promote sustainable tourism,” wika ni Puyat.
Paglilinaw naman ni Cimatu, “Puwede mag party sa loob ng hotel, sa establishment pero huwag doon sa beach,” aniya.
Dagdag niya, ang mga beach parties ay isang paraan din umano ng pagpapakalat ng iligal na droga sa isla at nakapag-aambag din ito sa polusyon.
Naghahanda si Environment Secretary Roy Cimatu at ang mga kawani ng Armed Forces of the Philippines para sa paglilinis ng Boracay
“Napapansin kasi namin, the sand in Puca Beach, ihambing mo sa White Beach, mas maputi ang sa Puca Beach. Kasi walang nagpa-party doon,” wika ni Cimatu. “Katulad noong fire ano ba yun? Fire dancer. Gas yata ginagamit, minsan tumatalsik. These are already pollutants.”
Bukod sa beach party, bawal na din ang pinapangarap ng maraming magkasintahan na beach wedding sa Boracay.
“They can do their wedding ceremony, birthday ceremony doon sa loob ng hotel establishment,” ayon kay Cimatu.
Muli namang iginiit ni Puyat na bawal ang pagtatayo ng mga casino sa isla alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte.
“There will be no casinos on Boracay. We follow the President’s directive,” sabi niya.
Matatandaang naging isyu ang planong pagtatayo sa Boracay ng isang USD500 milyong integrated resort ng Macau casino giant na Galaxy Entertainment at Filipino partner nitong Leisure and Resorts World Corp, na pinayagan umano ng pamahalaan.
At upang mapanatili ang ganda ng isla, magkakaroon din aniya ng curfew at paglimita sa mga dadayo sa isla. De-kuryenteng mga tricycles mula sa Department of Energy na rin ang gagamiting transportasyon dito.
Subali’t pag-uusapan pa ng DENR at DOT kung ano ang mga parusa at multa sa mga lalabag sa mga bagong alituntunin sa isla.
Sa kabila ng mga pagbabagong ito, mataas pa rin ang kumpiyansa ni Puyat na hindi maapektuhan ang USD1 bilyong kita ng Boracay mula sa halos dalawang milyong turistang dumadayo dito taon-taon.
Ang muling pagbubukas at panunumbalik ng ganda ng isla ng Boracay ay isang patunay ng malakas na political will ng liderato ni Pangulong Duterte, na sa kabila ng mga kritisismo sa kaniyang desisyong ipasara ang isla, ay ipinatupad niya ito para sa mas ikabubuti ng mamamayan, turista, at kalikasan.