Ni: Jun Samson
DATI ay ang pagsugpo sa iligal na droga ang pinakamalaking problema ng pamahalaan at hanggang ngayon ay nananatili pa rin na numero uno sa mga nais na maresolba ng bansa.
Gayunman ay hindi rin maitatanggi ng administrasyon na kabilang din sa kinakaharap nilang problema ang matinding trapiko hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa ibang panig na rin ng Pilipinas. Idagdag pa diyan ang hindi mapigilang korapsyon sa mga government agencies.
Pero may bago na naman tayong hinaharap na problema ngayon. Ito ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at at ng bigas.
Dati ay isinisisi ang problema sa kakulangan ng suplay ng NFA rice na magiging pambalanse sana para makontrol ang presyo ng commercial rice sa merkado. Pero ngayon ay idinadahilan na hindi maibaba sa barko ang mga imported rice dahil masama daw ang panahon at mababasa daw ang mga bigas.
Pero kamakailan ay may mga sako-sakong bigas ang nadiskubre sa isang bodega na nabubulok. At mayroon ding mga bigas na may bukbok naman.
Dahil sa patuloy na paglala ng problema ay nanawagan na ang ilang senador, kongresista, mga negosyante at mga magsasaka na magbitiw o dapat na magresign na lang si Agriculture Secretary Manny Piñol.
Bukod kay Piñol, pinagbibitiw din nila si NFA Administrator Jason Aquino. Pero ang problema daw ni Piñol ay hindi na pala sakop ng kapangyarihan ng Department of Agriculture ang NFA dahil ibinigay na ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang NFA kay Francis Pangilinan bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization.
Kaya ang sabi ni Piñol ay mangangailangan siya ng executive order mula sa pangulo para maibalik ang NFA sa ilalim ng DA.
Gayunman, tiniyak ng Malakanyang na buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Duterte kay Secretary Piñol kaya bale-wala daw sa Pangulo ang isa pang panawagan na sibakin na raw sana si Piñol.
Mas lalo pa daw matatabunan ang problema dahil habang nasa Israel ang Pangulo ay tiyak anila na hindi matututukan ng Malakanyang ang problema sa bigas. So hanggang kailan kaya magtitiis sa mahal na bigas ang pamilya ni Juan dela Cruz? May kasabihan nga na aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? May nagbiro pa nga at nagkomento, “mas mabuti pa daw ang mga speech ng Pangulo na tadtad ng mura, pero ang tag price ng rice, walang mura!”