Ni: Eugene Flores
ITINURING ni Filipino-American NBA player Jordan Clarkson na isang blessing ang makapaglaro sa koponan ng Pilipinas para sa mga internasyonal na kompetisyon katulad ng Asian Games 2018 na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Naging posible ito matapos maglabas ang National Basketball Association (NBA) ng one-time exception para sa Asian Games kung saan papayagan sina Clarkson at dalawa pang NBA players sa koponan naman ng China upang makapaglaro sa Asian Games.
Matatandaan na inilista ang 6 foot 5 na si Clarkson sa 2015 FIBA 17-man pool ng Pilipinas ngunit hindi ito pinayagan ng NBA kaya’t nagpahayag ito ng pagkadismaya. “This is kind of just coming forward, full forward now. It is an opportunity, the NBA, everything. It’s kind of been back and forth for me but it’s a blessing,” wika nito matapos payagang makapaglaro.
Matapos mabigyan ng green light si Clarkson ng NBA agad itong bumiyahe patungo sa Pilipinas at sumunod sa Jakarta para sa Asian games.
MAKASAYSAYANG SIMULA
Bukod sa pagkakataong makalaro si Jordan para sa Pilipinas, isa sa di malilimutan ng nakakarami ay ang pagdala nito ng watawat ng Pilipinas sa magarbong pormal na pagsisimula ng 2018 Asian Games.
Matapos malaman ang balita, agad inatasan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang 26 anyos na atleta upang maging flag bearer ng bansa sa opening ceremonies sa Gelora Bung Karno Main Stadium.
Pinangunahan ni Clarkson ang pagmamartsa suot ang pinagmamalaking barong tagalog, kasama ang 130 atletang kumakatawan sa Pilipinas.
“I’m carrying the flag so it’s all an honor and blessing,” wika ni Clarkson.
Ayon kay Philippine chief of mission na si Richard Gomez nakatulong si Clarkson upang itaas ang morale ng mga atleta tungo sa kompetisyon.
“So far, mataas ang morale ng mga athletes. It’s nice to see them here. Ang importante ‘yung pumapasok sila sa village, masaya sila, mataas ang morale. It helps them in their performance,” aniya.
UNANG PAGBAGSAK
Hindi nakapaglaro sa unang laban ng Pilipinas si Clarkson kontra Kazakhstan sapagkat hindi pa siya nakakapag-training kasama ang koponan na binubuo ng Rain or Shine Elastopainters players at ni Coach Yeng Guiao sapagkat epektibo pa rin ang sanctions para sa mga Gilas Pilipinas player na nasangkot sa away kontra Australia sa FIBA tournament.
Bilang isang NBA player, marami ang nag-abang n makita siya maglaro at ang maitutulong nito sa koponan.
Dahil sa pagdagdag nito sa line-up nagkaroon ng mas malaking pagkakataon ang koponan upang maisahan ang susunod na kalaban, ang powerhouse na China.
Ngunit hindi umayon sa plano ng koponan ang naging takbo ng torneyo kung saan naging mailap para kay Clarkson na makatikim ng unang panalo suot ang Pilipinas jersey.
Isang heart breaker ang kauna-unahang laro nito matapos matalo sa China ng dalawang puntos. Umiskor ito ng 28 points, eight rebounds at four assists ngunit kinapos ito sa dulo matapos makaranas ng cramps dahil sa bagong environment na nilalaruan.
Muling winasak ang puso ng mga Pinoy matapos sunod na matalo kontra sa pulidong opensa ng South Korea. Bagama’t nagbuhos ng ilang tres si Clarkson, hindi naging sapat ito sa mga shooter ng Korea at ang dominanteng naturalized player nito na si Ricardo Ratliffe na dating naglaro sa PBA bilang import.
Bagama’t hindi naging matagumpay ang kampanya ng Gilas Pilipinas tungo sa gintong medalya, hindi naman binigo ng Cleveland Cavaliers guard ang kanyang mga Pinoy na tagahanga sa ipinakita nitong puso at galing sa Asian games.
Nakuha nito ang unang panalo matapos dominahin ang Japan kung saan naging lason sa kalaban ang pick and roll offense ni Clarkson at Christian Standhardinger.
May average na 25 points per game ang NBA guard sa torneyo at hindi masusukat na puso at determinasyon ang inalay nito.
MULING PAGLALARO PARA SA BANSA
Matapos ang kampanya sa Asian games para sa Philippine Basketball Team, isang katanungan ang bumabalot para kay Clarkson, ito’y kung muling makikita ng mga Pinoy na maglaro ito para sa bansa.
Ayon kay Clarkson malabo pa sa ngayon na makapaglaro ulit ito sa bansa dahil sa kanyang komitment sa NBA. “Not right now in terms of schedule and stuff but we’ll see.” sabi nito. Ngunit sinabi rin ito na tiyak pag-uusapan nila ng kanyang koponan ang tungkol dito.
Si Clarkson ang kauna-unahang Pinoy na nakapaglaro sa NBA kung saan naging kakampi niya sa una nitong koponan, ang Los Angeles Lakers, si NBA superstar Kobe Bryant na ngayo’y nagretiro na. Nalipat siya noong nakaraang NBA season sa koponan ng Cleveland Cavaliers kung saan naging kakampi naman niya ang NBA superstar LeBron James at umabot ang mga ito sa NBA finals.