Ni: Crysalie Ann. Montalbo
KASALUKUYANG bumibida ngayon ang Kapamilya actor na si Joshua Garcia sa teleseryeng Ngayon at Kailanman kasama ang partner na si Julia Barreto na umeere tuwing gabi sa ABS-CBN Primetime Bida.
Maganda ang pasok ng primetime teleserye sa telebisyon nang ilabas ng Kantar Media show ang national TV ratings. Nanguna ang Ngayon at Kailanman sa rating na 31.2% katapat ang palabas sa Kapuso na Onanay, na nasa 17.3%. Malaki ang pasasalamat ng mga cast sa Star Creatives at direktor na si Mae Cruz-Alviar at Elfren Vibar sa tagumpay nito.
Gumanap si Joshua bilang si Inno, ang pangalawang anak ni Stella (Alice Dixson) at Hernan (Christian Vasquez) na lumaking tahimik at hindi nakikisalamuha sa iba. Sa kanyang paglaki, sinusubukan niyang makuha ang puso ng kanyang ina mula nang sisihin siya nito sa nangyaring aksidente ng kanyang kapatid na si Oli (Jameson Blake).
Inamin naman ni Joshua na malaking pagbabago sa pag-arte ang kanyang ginawa mula nang sumabak siya sa teleserye.
“Dito po kasi iba ‘yung character ko. Parang kumabaga nag-switch kami ng character — ako naman ang mayaman, siya Julia Barretto ‘yung mahirap,” sabi ni Joshua sa press.
Isa na rito ay ang kanyang pagsasalita ng wikang Ingles na kung saan ay kinailangan niya pang kumuha ng speech coach.
“Mahirap po mag-English, ‘yun po ang pinaka-challenging sa lahat, and the way nang pag-deliver dapat spontaneous, bawal ang bakel, dapat fluent, bawal magkamali, tama dapat ang bigkas,” giit niya.
“Challenging din dito ‘pag may confrontation scene na, tapos English,” kwento ni Joshua.
Bukod doon, new look din siya upang mas mabigyang diin ang kanyang karakter.
IBANG HINAHANGAAN
Bukod sa pag-arte, isa rin sa mga ibinahaging rebelasyon ni Joshua ay ang paghanga niya sa kay Alice Dixson.
Kuwento ng aktres, bumata raw ang kaniyang pakiramdam nang malaman niya ang paghanga ng isang young showbiz personality sa kanya. “Flattering”, sabi ni Alice.
“Siguro kung masyadong bata… I find naman the scenario cute. Anak ko siya sa soap, kaya what else could it be but sweet,” pahayag ni Alice.
“I don’t think it’s going to change anything. Bata siya and all other kids naman have their period in their life na nagkaka-crush sa older women.”
“It was cute and it was cuter na si Julia pa ang nag-buking,” natatawang sabi ng aktres.
MASAYA ngayon ang estado sa pagitan ni Joshua Garcia at Julia Barretto.
JOSHLIA
Sa ngayon ay kitang-kita pa rin ang pagmamahalan ng tambalang JoshLia.
Nakapanayam ang dalawa kamakailan sa morning talk show na Magandang Buhay. At sa unang pagkakataon, ibinahagi ni Joshua na si Julia lang ang babaeng mahal niya na dinala sa bahay.
“Dati may nakapunta sa bahay ko pero ‘yung time puppy, puppy love pa. Ito talaga kasi (si Julia) masasabi mong love mo talaga na naipakilala mo. Kasi siya rin naman talaga ‘yung ipinakilala ko sa mga magulang ko,” ayon kay Joshua.
Bumisita si Julia sa bahay nila Joshua sa Batangas. Dito ay mas nakilala pa ni Julia ang kanyang rumored partner.
PATULOY NA LUMALABAN
Nananatiling matatag ang samahan ni Joshua at Julia sa kabila ng mga hindi pagkakaintindihan at maging sa mga malalaking pagsubok na hinarap ng dalawa.
Sa kanilang pinagdaanan, natutunan ni Joshua na pahalagahan kung ano ang mayroon siya.
“I’m sorry if nagkaroon ng mistake, but I promise to be a better man for you, for us.” ito ang sinabi ni Joshua sa presscon ng kanilang pelikula na I Love You, Hater, kung saan ay nasa kalagitnaan ng malamig na pagkakaintindihan.
“May nagawa akong mga desisyon na mali, siyempre sarili mo pa rin ‘yung kailangan mong mahalin. Tinuruan din ako ni baba na mahalin ang sarili ko,” dagdag pa niya.