Ni: Jonnalyn Cortez
NAIS muling pasiglahin ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo, na ngayong Speaker of the House ang mababang kapulungan. Sinisimulan na ni Arroyo, representante na kumakatawan sa kanyang balwarte sa Pampanga, ang muling pagsasaayos dito sa pamamagitan ng pagdadagdag ng mga bagong komite.
Kabilang sa nais baguhin ni Arroyo ay ang pangangasiwa sa panel ng Kongreso na siyang susuri sa pagpapatupad ng mga batas ng pamahalaan, lalo na nga sa mga may kinalaman sa pinansiyal na aspeto ng pamahalaan.
Nagsimula na ang mga pagbabago nang madagdagan ang Kongreso ng tatlong bagong komite: ang House Committee on Oversight, Committee on Disaster Management, at Special Committee on Senior Citizens.
COMMITTEE ON OVERSIGHT
Muling binubuhay ng Kongreso ang Committee on Oversight na hindi na binuo noong huling adminstrasyon.
Sinabi ni House Minority Leader at Quezon Representative Danilo Suarez na ang desisyon na muling buhayin ang oversight panel ang isang hakbang ng dating pangulong Arroyo na patungo sa tamang landas at mahalaga kaugnay ng pagbabago sa Kongreso.
Umaasa si Suarez na ibibigay ng Speaker ang pamumuno sa minority bloc, na kanyang pinamumunuhan, dahil na rin sa kakayahan nitong suriin at bantayan ang pagganap ng mga ahensya ng gobyerno. Matatandaang siya rin ang chairman ng parehong komite noong 14th Congress.
“The principle of checks and balances is embedded in our Constitution to ensure that there will be no abuse of power and to correct the mistakes or excesses committed by the other branches of the government,” anito.
Pinaalalahanan din nito ang pamunuan ng Kongreso tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng oversight committee at ng pagsusuri sa pagpapatakbo ng mga ahensya sa gobyerno at mga instrumentong gamit nito.
Gayunpaman, siniguro ni Suarez na ginagamit ng mga ahensya ang kanilang mga badyet ng tama alinsunod sa kanilang mandato.
“This shall coincide with the thrust of this administration against corruption, the improvement of the absorptive capacity of all government agencies, the provision of basic services and economic, social and infrastructure development in the country,” dagdag nito.
COMMITTEE ON DISASTER MANAGEMENT
Iniluklok naman ng kamara sa sesyon ng plenaryo si Bataan Representative Geraldine Roman bilang pinuno ng House Committee on Disaster Management. Ayon ito kay House Majority Leader at Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr.
Tutugon ang nasabing komite sa mga sakuna, katulad ng pagiging handa sa oras ng kalamidad at sa “disaster at recovery,” rehabilitasyon, reconstruction at, risk reduction.
Pinaliwanag naman ni Arroyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bagong departamento sa gobyerno ma nakatutok sa mga programa sa paghahanda sa kalamidad at kaligtasan ng bansa. Ito ay pagkatapos ng kanyang hindi magandang karanasan sa pagdating ng bagyong Ompong kamakailan.
“We were clueless where the typhoon was going to hit so because it is a coordinating council so we based it where there were no classes, where it has been announced no classes. Marilao, Obando in Bulacan. It turns out it’s east of Aurora,” pag-amin nito.
Binigyang diin ng Speaker ang matinding pangangailangan ng bansa na magtayo ng Department of Disaster Resilience. Kasalukuyang pinagdedebatehan sa mababang kapulungan ng plenaryo ang House Bill 8165.
“We should have gone to Aurora but we did not know,” dagdag nito. “If there is a disaster management department, they would have better information and they can prepare better,” dagdag niya.
Bukod sa pagkakaroon ng pagkukunan ng tamang impormasyon, sinabi rin ni Arroyo na ang panukalang departamento ay inaasahang magkakaroon ng mas maayos na kagamitan na magiging kapaki-pakinabang pagdating sa komunikasyon at transportasyon. Magkakaroon din ito ng heavy-duty disaster control tools and gear.
Dinagdag pa ni Arroyo na makatutulong ang departamento sa paghahatid ng tulong sa mga karatig bayan. Sinabi ng dating Pangulo na makatutulong ito sa Department of Social Welfare Development (DSWD) na makapag-hatid ng sapat na relief goods at pagkain para sa mga nasalanta. Sinasabing wala itong kakayanan na siguraduhin ang paghahatid ng mga suplay sa ibang lugar dahil sa kakulangan sa transportasyon.
SPECIAL COMMITTEE ON SENIOR CITIZENS AFFAIRS
Gumawa rin si Arroyo ng Special Committee on Senior Citizens Affairs na siya namang mangangasiwa sa mga batas para sa ating mga nakatatandang mamamayan.
Inindorso naman ng pamunuan ng mababang kamara ng Speaker si dating First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Representative Imelda Romualdez-Marcos bilang chairperson nito. Kinumpirma naman ni Andaya na ito nga ang mamumuno ng naturang komite.
Pamamahalaan ni Marcos ang mga polisiya para sa mga matatanda at pagbubutihin ang kanilang aktibong partisipasyon sa bansa.
Nadagdagan ng 62 na panel ang mababang kapulungan ng Kongreso sa pagkakaroon ng bagong House Committee on Oversight at House Committee on Disaster Management. Nadagdagan naman ito ng 16 na panel dahil sa Special Committee on Senior Citizen Affairs.