Ni: Louie Montemar
Nasasalamin sa ating mga naging Saligang Batas o Konstitusyon at sa kung paano sila nilikha ang mga naging pangunahing kahinaan sa pananaw ng ating mga naging namumuno at ng mga sumulat ng mga ito. Mababanaag kung gayon, ang ilang pangunahing usapin ng mga panahong sinulat sila. Pasadahan natin dito ang ilang punto hinggil sa ating mga naging Konstitusyon mula 1898 upang mailinaw ang bagay na ito.
Ang 1898 Constitution na binuo sa Malolos ng mga piling kinatawan ay mailalarawan bilang napakaelitista at makadayuhan. Bakit? Una, sinulat ito sa banyagang wika at tinakda nito na opisyal na wika ay isang banyagang wika at hindi alinman sa mga lokal o katutubo nating lengguahe. Limitado rin para sa mga lalaki lamang ang karapatang lumahok sa eleksiyon noon. Isa pa, sa disenyo ng pamahalaan, mas makapangyarihan ang lehislatibo na noon nama’y hawak ng iilang mga makapangyarihang pamilyang masalapi.
Ang 1935 Constitution naman ay napakamakadayuhan din. Inaprubahan pa nga ito ng pamahalaan ng Amerika bago inilatag sa pagtangkilik ng ating mga kababayan. Ang disenyo ng pamahalaan na itinakda nito—presidential, unitary form of government ay kinopya lamang ang disenyo ng Amerika na magagamit sa mas mabilis na pagsakop sa bansa o pagkontrol sa mga hiwa-hiwalay na isla ng arkipelago. Higit na kapansin-pansin sa lahat, binigyan nito ng pantay na karapatan ang mga Amerikano upang gamitin o abusuhin ang likas na yaman ng bansa, gamit dito ang tinatawag na Parity Rights provision.
Ang 1973 Constitution naman ay binuo sa ilalim ng isang pamumunong nagnais palakasin pa ang ehekutibo. Sa ilalim ng otoritaryan na pamumuno ni Marcos, inaprubahan lamang ng mga special assemblies ang ipinalit sa 1935 Constitution. Dito pa lamang sa kakatwang prosesong ito ng pagpapalit sa Saligang Batas, nakwestiyon na ang nasabing pagbabago. Pinalakas nga ng 1973 Constitution ang kapangyarihan ng pangulo. Isang epekto nito, bilang halimbawa, ang naging kapangyarihan ng pangulo upang mangutang para sa bansa nang hindi na kinakailangan pa ang pagsang-ayon ng Senado gaya ng naunang kalakaran. Dito nag-ugat ang naging unang paglobo ng utang panlabas.
Nang maalis si Marcos sa Malakanyang, kagyat na sinimulang buuin ang 1987 Constitution. Hindi kataka-takang naging napakaliberal at demokratiko ng laman ng nasabing Konstitusyon dahil sa nais ng mga nagsulat nito na tiyaking hindi mauulit ang otoritaryanismo sa bansa. Binigyang-diin nito ang karapatang pantao. Napakahaba ng Bill of Rights nito at may mga probisyon pang napakapartikular sa ilang pangunahing usapin gaya ng repormang agraryo. Mapapansin ding binigyang-diin ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan.
Ang tanong ngayon sa atin, dahil tinutulak na talaga ng Malakanyang ang proseso sa pagbabago ng Saligang Batas, kailangan ba talaga na baguhin ito sa ngayon?
Pag-aralan nating maigi ang mga panukala. Makinig, manuri, makipagtalakayan. Hindi sapat na sumuporta na lamang tayo sa isang panukala dahil sinabi ng ating mga pinuno. Paglimian natin ang nakaraan at makikita natin nang mas malinaw ang daan sa hinaharap.