Pinas News
LUMAGANAP sa buong mundo ang nangyaring pagsadsad ng Xiamen airplane sa paliparan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan muntik nang masayang ang buhay ng mga nasa loob ng naturang eroplano kung hindi lamang sa mahusay sa pagtimon ng piloto ay maaaring maararo pa ang mga kalapit na kabahayan sa paligid ng paliparan na mangahulugan na karagdagang buhay ang mawawala.
Pasalamat pa rin tayo na kahit malaki man ang naging epekto ng insidente ay walang buhay na nawala. Malaking abala ang idinulot ng pangyayari dahil libu-libong mga pasahero ang nagsiksikan sa paliparan dahil sa pagkaantala ng kanilang mga flight.
Hindi inaasahan na ganito pala ang mangyayari kapag may disgrasya sa paliparan. Halos dalawang araw na nagsara ang NAIA na nag-iwan ng mahigit dalawang daang flights na nakansela at libu-libong pasahero ang naantala.
Kahit man na nagbukas na ang paliparan matapos ang halos dalawang araw na paghihintay ay patuloy pa rin ang pagkansela ng mga flights dahil na rin sa domino effect na inihatid ng maraming kanselasyon.
Isipin na lamang ang epektong idinulot sa mga pasahero dahil maaaring mawalan sila ng trabaho na kanilang inaasahang magbibigay sa kanila ng ginhawa sa buhay partikular na sa mga overseas Filipino workers. Maraming mga negosyante ang nagreklamo dahil hindi nakarating sa kanilang business meetings, at iba pang oportunidad na nawala.
Ganito ang magiging eksena sa paliparan ng NAIA kapag mangyari ulit ang ganitong insidente. Walang magagawa ang mga pasahero kundi pahabain ang pasensya sa mahabang paghihintay at pagkaantala. Dapat lamang ay bigyan ng katugunan ang ganitong katulad na problema kaya nararapat na palawakin pa ang paliparan.
Ilang taon ding nakaraos ang NAIA sa milyun-milyong pasahero bawat taon gamit lamang ang dalawang runways.
Napapanahon na magkaroon na tayo ng mas malawak na paliparan na kayang serbisyuhan ang milyun-milyong pasahero sa bawat taon. Huwag na nating hintayin na may maganap na namang ganitong insidente.