Pinas News
MAINIT ang usapin ngayon hinggil sa kinabukasan ng National Food Authority (NFA), kung napapanahon na ba itong tanggalin o hayaan itong manatili na lamang.
Nagsimula ang pagtatalong ito dahil sa kapalpakan ng ahensyang matugunan ang ilang buwan ng problema ng kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa na siyang naging dahilan upang tumaas ang presyo nito na malaki ang naging epekto sa mga mahihirap na mamamayan.
Layunin ng NFA na matugunan ang kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa habang pananatilihin naman nito na panatilihin ang maayos na presyo nito.
Ngunit ilang buwan na simula nang mabalitaan ang kakulangan ng suplay ng buffer stock ng bigas ay hindi nito natugunan hanggang ngayon na sa huli ay nagresulta ng pagtaas ng presyo ng bigas sa ibang rehiyon sa bansa kagaya na lamang sa rice crisis sa Zamboanga City na nagpatawag na ng state of calamity dahil sa kakulangan ng suplay ng bigas dahilan ng pagtaas ng presyo nito na umabot na sa P70 kada kilo.
Ganito ang magiging senaryo sa iba pang lugar ng bansa kapag hindi ito maslusyunan ng naturang ahensya.
Ngunit iilan sa mga mambabatas maging ng mga ekonomista ay pabor na magkaroon ng rice tarrification bill na magpapahintulot ng importasyon ng bigas sa mga pribadong negosyante. Magiging solusyon ito upang masiguro ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Aprubado na nga ito ng kongreso noon pang Agosto at kapag tuluyan na itong maipatutupad ay wala nang silbi pa upang manatili ang NFA.
Sa naturang batas, hayaan na makapag-angkat ang mga negosyante ng bigas sa ibang bansa na may kaukulang taripa. At ang makokolektang taripa na tinatayang makapagbigay ng P20 bilyon sa bawat taon ay makatutulong sa mga magsasaka ng palay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng subsidiya.
Kaya nga lamang ay nakasasama rin para sa mga magsasaka ng palay kapag walang limitasyon ang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa kaya kailangan din siguro na may limit ang pag-angkat nito para naman ay hindi gaanong maapektuhan ang mga magsasaka natin na siyang may malaking kabahagihan ng suplay ng bigas sa ating bansa at tanging sa palay lamang kumukuha ng ikabubuhay.
Kailangan lamang ng gobyerno ng maayos at maiging pagplano kapag ipatutupad nga nila ang rice tarrification law upang patuloy na maprotektahan ang industiya ng palay at maging ng mga magsasaka.
Ngunit habang tinatalakay pa ang rice tarrification bill at kasalukuyang namumuno pa ang ahensya ng NFA ay hindi pa natin masasabi kung tuluyan na nga itong mawawala.