Ni: DV Blanco
Sa nakaraang dalawang bahagi ng column na ito ay natalakay at nailahad ang pagkakaiba at pagkakahalintulad ng presidensyal at parlyamentaryong pamahalaaan batay sa kanilang katangian, advantages at disadvantages.
Bilang kongklusyon ay tatangkaing sagutin at palawigin pa ang kritikong pagsusuri ng dalawang anyo ng pamahalaan.
Kung ating uusisain pa nang mas mahigpit ang dalawang uri ng pamahalaaang ito, ang pinakamatingkad na pagkakaiba ay sa paraan ng pagbahagi ng kapangyarihan sa mga sangay ng gobyerno, paraan ng pagpapapalit at pagboto sa pinuno ng pamahalaan, at pagtatalaga ng limitasyon o hangganan ng termino ng panunungkulan.
Kung bibigyan natin ng kontekstuwalisasyon, ang mahuhusay na modelo ng presidensyal na gobyerno ay ang Estados Unidos at Pransya, samantalang ang mga magagaling na modelo ng parlyamentaryong gobyerno ay young sa Inglaterra at Hapon. Mapapansing ang mga bansang nabanggit ay may mga sumusunod na katangian — mauunlad, may matatag na politikal, ekonomiko at sosyal na institusyon, at higit sa lahat ay may haligi ng ng epektibong demokratikong lipunan tulad ng malayang pamamahayag, karapatang pantao, katarungang panlipunan, karapatang pumili ng pinuno, aktibong lipunang sibil at mamamayang may konsensyang sibiko.
Ito rin marahil ang magsisilbing pamantayan sa pagpili ng kung ano ang mahusay at matagumpay na anyo at balangkas ng gobyerno.
Halimbawa, mahalaga na may sapat na imprastruktura tulad ng modernong paliparan at pantalan, sapat na network ng tulay at daan, maasahang kapasidad pang-teknolohiya at mamamayang sapat ang edukasyon at kaalaman para maengganyo ang mamumuhunan na magtayo ng kanilang negosyo upang makapagbigay ng trabaho at hanapbuhay sa mga mahihirap.
Ganun din, dapat nating mapagtatanto na higit sa maunlad na ekonomiya, anumang porma ng gobyerno —presidensyal man o parlyamentaryo, ang mahalaga sustainable human development na nabibigyang tugon ang pangangailangan ng bawa’t mamamayan sa larangan ng edukasyon, kalusugan, kaligtasan, kagalingan at karapatang pantao.
Marahil, ang mahalagang tanong na dapat sagutin ay hindi kung ano ang angkop na anyo ng gobyerno para magkaroon ng pagbabagong panlipunan, kung hindi anong mga mabuting pagbabagong panlipunan ang dapat magkaroon na angkop sa anyo ng gobyerno? Maiibsan ba ang kahirapan, magkakaroon ba ng maraming trabaho, mas may sapat bang pagkain sa hapag kainan, malinis na tubig at murang kuryente kung magbabago ng anyo ng gobyerno? Maaring puwede dahil sa paryalmentaryong pamahalaan ay pinag-iisa at pinagbubuklod ng ehekutibo at lehislatura ang kanilang layunin, mithiin at agenda para mapabilis ang pagsasagawa at pagsasakatuparan ng mga batas, programa at proyektong pangkaunlaran, daan para mabawasan ang mga hidwaan at pagtutunggali ng mga sangay ng gobyerno na nagdudulot din ng pagkabaha-bahagi ng lipunan, pamayanan, pamilya at indibidwal.
Puwede ring hindi, kung ang layunin at mithiin ng punong ministro at ng pinakadominante nitong partido politikal ay mapanatili sa poder ng kapangyarihan at huwag bigyan ng pagkakataon ang ibang partido politikal at iba pang sektor ng lipunan na makibahagi sa mga prosesong ikakaunlad o ikagagaling ng bayan.