NAPATUNAYAN sa isang pag-aaral ng NASA sa mga pilotong militar nito na ang saglit na pagtulog (nap) ay nakakapagpabuti ng pagtatrabaho ng 34%.
Ni: Kristine Joy Labadan
HINDI mawawala ang stress sa pang araw-araw na gawain at kadalasan hindi rin ito maiiwasan. Mayroon ring magandang epekto ng kaunting stress sa sarili. Kung hindi sobra, ito’y maaaring makatulong pa upang maging produktibo ang buong araw sa trabaho at pag-ehersisyo.
Ngunit, kahit na bahagi na ito ng buhay at kaakibat ng pagiging produktibo, kailangan din ng balance sa buhay. Sa pagtatapos ng araw, mas masarap pa rin sa pakiramdam at nakakabuti sa kalusugan ang pagpapahinga. Basahin ang mga susunod na benepisyong hatid ng pagpapahinga.
Pinuprotektahan ang iyong puso
Ang sobrang stress ay may seryosong epekto sa kalusugan at maaaring maging sanhi ng mataas na presyon sa dugo, atake sa puso at iba pang problema sa puso at sa utak.
Habang hindi sigurado ang mga mananaliksik sa dahilan kung bakit, iisa naman ang kanilang solusyon para dito at yun ay ang pagpapahinga alang-alang sa ‘yong puso.
Nailalayo ka sa depresyon
Ang pang matagalang stress ay nagreresulta sa buildup ng stress hormone na tinatawag na cortisol na maaaring magdulot ng matinding depresyon sa isang tao. Ito ay sa dahilang ang cortisol ay nakakabawas sa lebel ng serotonin at dopamine, mga tinatawag na happy hormones o mood lifters.
Nakakagawa ng mas maayos na mga desisyon
Hindi na kagulat-gulat na kung dahil sa sobrang stress ay maaaring makagawa ang isang tao ng mga desisyon na hindi malinaw na napag-isipan. Ang napagtutuunan ng pansin sa ganitong pagkakataon ay ang positibong epekto ng desisyon at hindi ang probabilidad ng mga negatibong resulta, base kay Mara Mather Ph.D., propesor sa unibersidad ng Southern California.
Pag-isipan ang mga bagay na ito at ibahagi sa iba kung saan ang pinaka-sentrong ideya ng mga benipisyong ito ay ang paglalaan ng oras para sa sariling kapakanan at yun ay ang pagpapahinga.