Kung nais mo talagang maibsan ang mga nakakaabalang puting buhok sa iyong ulo, ihanda ang iyong sarili sa regular na pagsusuri at pagpapagamot.
Ni: Crysalie Ann Montalbo
ANG pagkakaroon ng uban o puting buhok ay isang natural na bahagi ng ating pisikal na pagbabago. Bukod sa pisikal na aspeto, isa rin itong senyales na tumatanda na ang isang tao.
Ngunit may mangilan-ngilan din na nagkakaroon ng puting buhok sa murang edad. Dapat tandaan din na hindi lang pagtanda ang sanhi ng uban. Ayon sa pag-aaral, maaaring tumubo ang uban sa ulo anumang oras.
Ang ating katawan ay naglalaman ng milyon-milyong hair follicles na lumilikha ng tinatawag na pigment cells. Bawat oras, nawawalan ng pigment cells ang hair follicles na nagreresulta ng pagkakaroon ng puting buhok.
Hindi na mapipigilan ang pagkakaroon ng uban sa ibang tao ngunit kailangan din tandaan na ang pagkakaroon ng uban ay hindi lamang dala ng pagtanda. Kahit bata ka pa, maaring tubuan ng uban. Paano mangyayari ito?
Sa bilis nang takbo ng pamumuhay ngayon at hamon na rin ng maraming stressors na kinakaharap ng mga tao ngayon, ang uban ay hindi na eksklusibong “biyaya” o tanda ng “wisdom” ng nagkakaedad.
Ngunit di dapat masyadong mabahala. Ang buhok ng tao, tulad ng kaniyang mga kuko ay patuloy na tumutubo, lumalago at kung maraming uban ngayon, maaaring sa isang buwan magulat nalang na nababawasan ito.
Totoong nariyan ang posibilidad pa rin na mabawasan ang uban at mapahinto sa pagtubo.
Ilan sa mga remedyo ay ang mga pagkain na nagtataglay ng antioxidant tulad ng prutas at gulay, green tea, olive oil, at isda.
Ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa bitamina ay iminumungkahi. Halimbawa na rito ang pagkaing-dagat, itlog at karne na may vitamin B-12 habang ang salmon, gatas at keso ay naglalaman naman ng vitamin D.
Pinapayuhan ding ihinto ang paninigarilyo dahil ito’y may malaking epekto sa katawan, partikular sa buhok. Nakakapagpabilis ito ng paglagas ng buhok hindi lang nagiging sanhi ng uban.
Ang paggamit ng mga natural na remedy ay isang alternatibo sa pagbagal ng pagtubo ng puting buhok nang hindi nagdudulot ng masama sa ating katawan.