ANG madalas na pakikisalamuha sa mga kaibigan at pagtawa ay nakakatulong din upang mapaligiran ng positibong mga bagay.
Ni: Kristine Joy Labadan
ANG isang taong may positibong pananaw sa buhay ay kayang humarap sa anumang problema at pagsubok na dumarating sa lahat araw-araw. Mahalaga rin ang positibong pananaw sa kalusugan at pag-iwas sa stress.
Ang pagkakaroon ng positibong pananaw ay hindi ibig sabihin na dapat hindi na pansinin ang mga pangyayari sa buhay na hindi gaanong kaaya-aya.
Sa halip, ito’y ang paggawa ng paraan kung paano harapin ang isang hamon o problema sa positibo at produktibong paraan habang iniisip ang magiging magandang resulta nito at hindi kung paano ito papalpak.
Ilan sa mga magandang epekto sa kalusugan ng pagkakaroon ng positibong pananaw ay ang paghaba ng iyong buhay, matibay na resistensya laban sa mga sakit na madaling makuha, mababang posibilidad ng sakit sa puso.
Kung natatakot kang subukan ang isang bagay na hindi mo pa nararanasan, isipin mo na isa itong pagkakataon upang may bagong matutunan.
Kung iniisip mo namang tila walang gustong kumausap sayo, maaaring ikaw ang gumawa ng hakbang upang magkaroon muli ng komunikasyon sa iba.
Sa paunti-unting pagsasanay sa sarili na mag-isip nang positibo, mapagtatanto ng isang tao sa bandang huli na maraming aspeto ng buhay ang napapaunlad at nababago nito sa magandang paraan.