PINAS

Personal na mga kagamitan bilang panggarantiya sa bangko

Isa sa nangungunang establisyemento sa MSME ay ang repair shops ng mga sasakyan

 

Ni: Eugene B. Flores

PINIRMAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Personal Property Security Act o Republic Act No. 11057 upang matulungan ang mga maliliit na negosyante sa bansa sa paglalabas ng kapital mula sa bangko para sa kanilang mga negosyo.

Sa pamamagitan ng Personal Property Security Act, papayagan na bilang seguridad sa bangko ang mga personal na gamit katulad ng inventory, mga sasakyan at maging mga hayop upang makakuha ng pautang o loan.

Ayon kay Senador Bam Aquino na siyang principal author ng batas, makakatulong ito upang mas maging malusog ang loan environment para sa mga institusyon ng bangko at sa micro, small and medium enterprises o MSMEs.

Kadalasan, immovable assets ang hinihingi ng mga bangko upang makapag-loan ang isang tao halimbawa nito ay mga lupang may titulo o real property kung kaya’t nahihirapan ang mga maliit na negosyante sa paglalabas ng kanilang kapital o pahunan para sa negosyo.

“Sa batas na ito, mabibigyan na ang ating mga kababayan ng mas maraming paraan para makakuha ng pautang na maaari nilang gamitin para makapagsimula o di ‘kaya’y magpalawak ng negosyo,” wika ng senador.

Bilang tugon naman sa posibilidad na negatibong epekto sa pagtanggap ng movable collateral nasasaad sa batas na kinakailangan ang pagtatatag ng electronic national registry sa pangunguna ng Land Registration Authority (LRA).

Maglalaman ng mga impormasyon ukol sa mga personal na gamit na nagsilbi bilang panggarantiya sa bangko ang electronic national registry upang mapabilis ang proseso at maging sigurado rin ang mga bangko sa pagpapahiram ng pera para sa mga ito.

“Sa tulong ng batas na ito, umaasa tayo na mas marami pang Pilipino ang makakapagsimula ng negosyo bilang pagkukunan ng ikabubuhay,” dagdag ng senador.

 

agpahayag ng kagalakan ang senador matapos maging batas ang Personal Property Security Act.

PAGTANGGAP SA SENADO AT KAMARA

Naging bukas ang senado sa pagtanggap ng RA 11057 na noo’y Senate Bill No. 1459 kung saan nakalikom ito ng lahatang pabor na boto, 21-0, sa huli nitong pagbasa.

“The proposed measure comes at a perfect time when investment demand is growing and the desire for self-sufficiency by Filipinos is strong,” wika noon ni Senador Francis Escudero na katugon ni Senador Aquino sa pag-sponsor dito.

Nauna naman na magpasa ang kamara ng kaparehas na bill noong Pebrero na sumasang-ayon din sa Personal Property Security Act.

IMPORTANSYA NG MSME

Malaki ang ginagampanan ng mga MSME para sa pagpapalakas ng ating ekonomiya. Ang micro, small and medium enterprises na ito ay nagbibigay ng mga trabaho para sa dumaraming tao sa lakas paggawa. Dahil din sa mga ito ay nabibigyang opurtunidad para magkatrabaho ang mga nasa malalayong lugar.

Matatawag na micro ang isang negosyo kapag umaabot ang asset nito ng P3 milyon at may hanggang siyam na manggagawa. Samantalang nasa 10-99 na manggagawa naman sa small enterprise na may hanggang P15 milyon asset. Binubuo naman ng 100-200 na manggagawa ang medium enterprise na may hanggang P100 milyon asset size.

“MSMEs are substantial contributors to our country’s economic growth, trade, employment, innovation, and poverty alleviation.” Wika ni Department of Trade and Industry Undersecretary for the Regional Operations Group Zenaida Maglaya.

Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa mahigit 915,726 ang business enterprises na gumagana sa bansa at 99.57% o 911,768 sa mga negosyong ito ay MSMEs.

Ang MSMEs ay nakapagbukas ng nasa 4,879,170 na trabaho noong taong ito. Ibig sabihin malaking porsyento ng ating ekonomiya ay nakasalalay sa mga MSMEs.

Kasalukuyan pa lamang nangangalap muli ng datos ang PSA upang mabigyan ng mga bagong numero ang bilang ng mga negosyo sa bansa.

Matatandaan na nangako rin noon ang Presidente na buo ang suporta nito  sa pagpapalakas ng MSMEs sa bansa. Aniya, nais ng pamahalaan na maging globally competitive, productive, resilient, sustainable and dynamic bago pumasok ang 2022.

Upang maisakatuparan ito, inaprubahan ang MSME Development Plan 2017-2022. Kasalukuyang adbokasiya nito ay ang tinatawag na 7M’s of Successful Entrepreneurship o ang mindset change, mastery, mentoring, money, machine, market access, at models of business upang maging gabay para sa pag-unlad ng MSME sa bansa.

ADBOKASIYA SA PAGNENEGOSYO

Kinikilala si Senador Bam Aquino sa kaniyang pagnanais na matulungan ang mga mamamayang Pilipino upang magkaroon ng sariling negosyo o pagkakakitaan lalo na ang mga nasa mahihirap na sektor. Bukod sa RA 11507 marami na itong naipasang batas na may kinalaman sa pagnenegosyo.

 

Ilan sa mga ito ay ang Microfinance NGO’s Act, Philippine Competition Act, Youth Entrepreneurship Act at Go Negosyo Act. Kung susumahin, 27 batas na ang naipasa ng Senador sa kaniyang limang taon sa Senado.

“This just one step towards inclusive finance in the Philippines. Tuloy pa rin ang aming pagtrabaho sa mga reporma para sa mga maliliit na negosyanteng Pilipino,” sabi nito.