Ni: Eugene B. Flores
Ang 50-70 porsyento ng ating body weight ay mula sa tubig, ibig sabihin napaka-importante ng ginagampanan nito sa ating katawan.
Nagagamit natin ang tubig sa katawan sa bawat kilos. Nababawasan ito sa pamamagitan ng pag-ihi, pagdumi, maging sa ating paghinga, at lumalabas din ang tubig sa ating mga balat.
Maaring magresulta sa dehydration ang hindi sapat na pag-inom ng tubig sa isang araw. Maapektuhan nito ang ating katawan at maging ang ating pag-iisip.
Upang maiwasan ito, narito ang ilang tamang paraan ng pag-inom ng tubig.
Umpisahan natin sa iyong paggising, kinakailangan ng dalawang baso ng tubig sa umaga upang magising din ang ating mga internal organ at malinis ang mga toxin na naiwan sa ating katawan.
Ugaliin din na uminom ng tubig 30 minuto bago kumain, ito’y upang maging maayos ang pagtunaw ng pagkain sa tiyan.
Nakakababa naman ng blood pressure ang pag-inom ng tubig bago maligo kung kaya’t nirerekomenda rin ang pag-inom nito.
At dahil sa habang tayo’y mahimbing na natutulog ay hindi napapalitan ang mga tubig na nawawala sa ating katawan, kinakailangan ang pag-inom ng isang basong tubig bago matulog. Makatutulong din ito upang maiwasan ang heart attack o stroke.
Ang pagsunod sa mga ito ay tiyak na magreresulta ng mas masiglang mental at pisikal na pangangatawan.