Ni: Edmund C. Gallanosa
NAKA-MOVE on ka na ba, sa labanang San Miguel Beer kontra Barangay Ginebra? Sino bang mag-aakalang patataubin ng Ginebra ang defending champion na San Miguel? Sa kada sampung tao na tinanong namin noon kung sino sa tingin nila ang magkakampeon, pito sa sampu ang nagsasabing San Miguel pa rin ang magwawagi.
Kabigla-biglang matalo nang ganito ang San Miguel. Star-studded kasi ang kanilang team. Ultimo second-stringer players at bench warmers nila ay mga superstars din—quality players at scorers sa mga dati nilang pinanggalingang team. Sa lineup nila kahit sinong team na makakasagupa nila ay tatagilid lalo na kung championship series na ang labanan.
Subalit nabasag ni Ginebra coach Tim Cone ang depensa ng San Miguel at nakita niya ang kahinaan nila. Sa mga nag-akalang matatapos sa Game seven ang serye, tinapos sa anim na laro.
May ilang mahahalagang puntos na iniskor ang Barangay Ginebra. Puntos sa tamang panahon kaya tumaob ang San Miguel sa kanila. At ilan sa mahahalagang puntos na ito ay sinimulan ng kanilang head coach na si Tim Cone.
Big man Slaughter — the ‘Real difference-maker.’
Pinaka-magaling na manlalaro si June Mar Fajardo ngayon sa PBA. Marami ang hirap sa kaniya, lalo na kapag nakapuwesto na sa painted area. Kung mayroon man panapat kay June Mar, alam ni Tim Cone na si Greg Slaughter lang ang uubra. At alam din ‘yan ni June Mar.
Nabasa agad ni Tim Cone ang San Miguel. Buhay nila si June Mar. Kaya malinaw na ginawang priority ni Coach Tim ang i-neutralize ang kanilang sentro. “I told Greg we’ll take care of everyone—he just take care of June Mar.” Ang bilin ni Coach Tim kay Slaughter.
Iba talaga ang matangkad. Malaki ang pangangatawan ni Slaughter kumpara kay Fajardo. Hindi basta-bastang kayang itulak o hawiin ni June Mar si Greg kung kaya’t hindi madaling makaporma ang sentro ng San Miguel. “They usually come down and feed June Mar. But with Greg, they just couldn’t do that over and over, not consistently. It changed the way they played and that gave us an edge.”
Kung susuriing maigi, naiba ang laro si June Mar nang si Slaughter na ang kaharap niya. Dahil dito, nasira na ang diskarte ng San Miguel.
Jeff Chan — Beterano kontra bagito?
Para sa iba, malaking gamble ang pagkuha kay Jeff Chan sa isang trade, pero hindi ito ang kaso kay Coach Tim at alam niyang kailangan siya ng kaniyang koponan—sa mga pagkakataong iyon.
Pinagpalit niya ang kanyang rookie draft pick ng 2019 para sa isang beterano. Tumama na naman si Coach Tim.
Malaking bagay ang pagdating ni Jeff Chan sa Ginebra. Lumuwak ang laro ng Ginebra, may tira sa labas. At dahil deadly shooter, hindi na pwedeng i-double team ang malalaki ng Ginebra ngayong may Jeff Chan na sila. Nagbunga ito ng bagong dimension sa laro ng Gin Kings. Sa katunayan, kitang-kita ito lalo na sa Game 6 nang ipasok si Jeff sa 2nd quarter at sinadyang hindi dikitan ng kaniyang bantay na si Arwind Santos para mag-double team kay Greg. Ang nangyari, tinirahan sila ni Jeff ng 3-point shot. Hindi lamang isa, kundi dalawang magkasunod.
Scottie Thompson—the small guard with a big heart.
Lumabas ang tunay na galing ni Scottie Thompson bilang guard ng Gin Kings at ito ay nagbunga ng tagumpay para sa kanila. Nakipag-sabayan sa malalaki, sumungkit ng rebounds at matinding hustle ang dinala sa open court. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa ginawa ni Thompson, isang guard na sumasabay ng rebound sa mga naglalakihang sentro sa PBA.
“I’ve ran out of superlatives for Scottie, he is really special. I think he is the best there is that exemplifies the never say die attitude. The way he played, that’s the very reason we’re here,” sambit naman ni Coach Tim sa laro ni Scottie.
Justin Brownlee. Dating panghalili, ‘Best Import’ sa bandang huli.
Sino ba naman ang mag-aakala na ang replacement import na si Justin Brownlee ay magpapabago ng kapalaran ng Ginebra. Hindi kasi maituturing na big deal import ang estado ni Brownlee nang dumating sa Pilipinas. Sa katunayan, ilang teams ang tumanggi sa kaniya dahil hindi raw impressive ang credentials nito. Ito ang Alaska Aces, Globalport, Meralco at Talk ‘N Text. Pero si Coach Tim ay naniniwala sa abilidad niya, at nasubaybayan na niya ang career nito kaya niya kinuha ito.
Matapos ngang dumating si Brownlee sa Ginebra, sabi nga nila, the rest is history.
Ang tagumpay ng Ginebra na makuha ang Commissioner’s Cup title kontra San Miguel at matamo ang pinaka-hihintay na title ay bunga ng tamang pagtitimon ni head coach Tim Cone. Samu’t-saring problema ang bumungad sa koponan sa umpisa pa lamang ng conference—injury sa ilang manlalaro, puro talo sa simula ng serye, at napilitan pang magpalit ng import dahil sa hindi magandang panimula. Subalit nagpursige ang Ginebra—ika nga, walang sumuko hanggang sa huli—Never say die. Ang resulta, kulelat noon, champion ngayon.