World Bank nagpondo ng tatlong proyekto sa bansa sa unang quarter ng taon
Ni: Jonnalyn Cortez
Kabilang sa linya ng mga proyekto ng World Bank sa Pilipinas sa unang quarter ng 2018 ang tatlong proyekto na nagkakahalaga ng $156.06 milyon.
Ayon sa datos mula sa website ng internasyonal na institusyong pinansyal, ang tatlong proyektong ito ay ang Philippines Stage II Hydro-chlorofluorocarbon (HCFC) Phase-out, Philippines Health Financing Strengthening at Philippines Customs Modernization Project.
Malaki ang maitutulong ng mga nasabing proyektong ito, lalo na nga sa kaunlaran ng ating bansa. Sa katunayan, malaki rin ang magiging pakinabang ng mga Pilipino rito pagdating sa kalusagan, pati na rin sa kapaligiran.
Alamin kung anu-ano nga ba ang mga ito.
Philippine Health Insurance Corporation kabilang sa proyekto ng World Bank
PHILIPPINES HEALTH FINANCING STRENGTHENING
Paglalaanan ng World Bank ng pondong $1.75 milyon ang Philippines Health Financing Strengthening. Kahit pa nga ito ang pinakahuling proyektong tutustusan ng nasabing institusyon, ito naman ang may pinakamababang pondo.
Layunin nitong pagbutihin ang kakayahan ng Philippine Health Insurance Corporation (PHIC) sa pagsasagawa ng obserbasyon at mga paraan ng pagbabayad.
Makakatulong din ito upang linangin at ipatupad ang mga bagay na maaaring makatulong upang mapabuti ang kalidad ng datos at unawain at ipatupad ang mga pangunahing indikasyon sa paggawa at pamantayan ng pag-uulat. Kabilang din dito ang palakihin ang kapasidad na analytical ng PhilHealth.
Susuportahan din ng proyekto ang pagpapatunay at pagpapatupad ng sistemang Philippines Diagnosis Related Grouping (DRG) at pagbutihin ang pamamahala ng mga impormasyon dito.
“The small grant project supports Philippines Health Agenda that aims to achieve universal health coverage (UHC) and will specifically aim to provide technical assistance to strengthen national capacities to implement UHC policies and programs,” ayon sa dokumento ng World Bank.
Nagtakda ng planong reporma ang Philippine Health Agenda 2016-2022 na may layuning tiyaking may “financial risk protection” at magandang resulta ng kalusugan para sa mga Pilipino.
Nakatuon ang agenda na ito na siguraduhing ang lahat ng Pilipino ay may “financial access” at “equitable geographic” sa komprehensibong mga serbisyong pangkalusugan na may iba’t ibang antas ng kalinga sa unang pakikipag-ugnayan pa lang sa ating sistema ng pangangalagang pangkalusugan.
Layunin naman ng Department of Health (DOH) na makamit ang Universal Health Coverage sa taong 2022. Prayoridad din nito ang direksyon ng Health Financing (2017-2022) upang garantiyahan ang unibersal na access sa komprehensibong pangangalaga sa antas ng pangunahing uri ng aruga at ang pagpapatuloy ng pagbibigay kalinga sa pamamagitan ng referral.
PHILIPPINES STAGE II HYDRO-CHLOROFLUOROCARBON (HCFC) PHASE-OUT
Naglaan naman ng $4.3 milyon ang World Bank para sa proyektong Philippines Stage II HCFC Phase-out.
Layunin naman nitong suportahan ang hakbang ng ating bansa upang matugunan ang obligasyon na ihinto ang paggamit ng HCFC sa taong 2020. Ito ay bilang pagsunod sa Montreal Protocol at isa sa mga kinakailangang gawin para sa Kigali Amendment.
Isang uri ng kemikal na ginagamit na pampalamig ang Hydro-chlorofluorocarbons o HCFC. Naglalabas ito ng polusyon na nagpapanipis sa proteksyon ng ozone layer ng mundo na siya namang nagiging sanhi ng pagbabago-bago ng klima.
Kabilang sa mga bahagi ng proyektong ito ang pagbibigay pondo sa pagpapalit ng mga pasilidad ng apat na napiling gumagawa ng mga air-conditioner. Mula sa paggamit ng teknolohiya ng HCFC, gagamit ng teknolohiya na hindi makakapinsala sa ating ozone layer at di makakaapekto sa pagbabago ng klima.
Kabilang din dito ang tulong teknikal na bahagi na sadyang idinisenyo upang palakasin ang mga kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno, mga teknikal na institusyon at mga pribadong grupo na mamahala sa pag-angkat, pagluwas, paggamit, paghawak, at paghinto ng paggamit ng HCFC.
“The proposed project is designed to address a specific reduction target (i.e., 2020, 35 percent HCFC consumption reduction target and 40 percent by 2021) in accordance with the agreed phase out schedule with the Multilateral Fund,” paliwanag ng World Bank sa dokumento nito.
Sinasabing ang layuning pag-unlad ng Philippines Stage II HCFC Phase-out ay partikular na may kinalaman sa “Engagement Area 4 – Resilience to Climate Change, Environment and Disaster Risk Management.”
Makakamit ang layuning ito sa pamamagitan ng pagbawas at tuluyang pag-alis ng paggamit ng HCFC ng mga pabrika at gumagawa ng air-conditioner. Mangyayari rin ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng paggamit ng mga alternatibo na may mababang Global Warming Potential (GWP).
Ipatutupad ang proyektong ito sa loob ng limang taon mula 2018 hanggang 2022. Kabilang din dito ang mga institusyon ng gobyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources at Land Bank of the Philippines.
Bureau of Customs gagawing moderno ng World Bank
PHILIPPINES CUSTOMS MODERNIZATION PROJECT
Pinakamalaki sa nasabing tatlong proyekto ang Philippines Customization Modernization Project. May pondo itong $150 milyon mula sa World Bank.
Layunin nitong pababain ang gastos sa mga transaksyong pangkalakalan sa pamamagitan ng pagpapaikli ng kinakailangan gamiting oras upang iproseso ang mga deklarasyon ng Customs.
Ninanais ng proyektong ito na mapabuti ang transparency at kalakalan sa Customs. Nais din nitong pabutihin ang koleksyon ng kita ng gobyerno.
“The project will support the modernization of systems, procedures and operational activities in line with accepted international standards for the processing and clearance of imported and exported goods,” pahayag ng World Bank sa dokumento nito.
Inamin naman ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na ang sistema ng mga kompyuter sa Bureau of Customs ay sadyang mabagal kumpara sa mga administrasyong customs sa ibang mga bansa. Sinabi niya ito sa isang artikulo mula sa PortCalls Asia.
Inaasahan nito na ang proyekto ng World Bank ay tataasan ang pamantayan ng BOC na kayang makipagsabayan sa pandaigdigang pamantungan, tulad na lamang ng ibang mga administrasyong customs na natulungan na nito.
Kilala ang World Bank bilang pangalawa sa pinakamalaking pinagkukunan ng Official Development Assistance (ODA) ng mga bansa. Ayon ito sa datos noong Disyembre 2017. Pinalawak ng tagapaghiram na Washington ang kabuuang suporta sa ODA na may kabuuang $3.19 bilyon noong nakaraang taon.
Binubuo ang tulong na ito ng $4.93 milyon na halaga ng grant at $3.24 bilyon na halaga ng mga pautang. Kumikita ang World Bank sa kabuuan ng 20.99 porsyento ng “portfolio” ng ODA ng Pilipinas. Ito ay naitala rin noong Disyembre 2017.