Ni: Louie C. Montemar
AYON sa mga datos para sa buong mundo nitong huling tatlong dekada, mas kakaunti na ngayon ang mga nasasaktan o namamatay dahil sa mga likas na sakuna. Ang mga pagkamatay mula sa mga kalamidad na may kaugnayan sa klima ay bumaba ng 98.9 na porsyento mula noong dekada otsenta. Noong nakaraang taon, mas kaunting mga tao ang namatay sa mga kalamidad sa klima kaysa sa anumang taon sa huling tatlong dekada.
Sa katunayan, maging sa Pilipinas ay nagiging mas handa tayo sa pagharap sa mga sakuna, subalit hindi pa rin ito sapat dahil nga isa ang ating bansa sa pinakatinatamaan ng hagupit ng bagyo dahil sa ating lokasyon sa mundo — tayo ay daanan talaga ng bagyo at nasa lugar na hindi eksakto ngunit nasa malapit sa tinatawag na Pacific Ring of Fire.
Ang limang pinakatumatama at nakamamatay na sakuna sa atin ay ang bagyo, baha, landslide, pagsabog ng mga bulkan, at lindol. Sa limang ito, pinakamarami ang namamatay dahil sa bagyo at lindol.
Hindi kataka-taka na marami ang masasaktan o mawawalan ng buhay dahil sa lindol dahil hindi natin masasabi kung kailan ito tatama, subalit iba ang kaso ng mga bagyo. Taon-taon, alam natin ang karaniwang bilang at lakas ng mga bagyong dumadaan sa bansa. Kailangan pa natin ng ibayong paghahanda at pagtalima sa mga babala ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Sa pinakahuling bagyong sumalanta sa atin — ang Ompong — malinaw na may mga pagkukulang pa rin tayo sa paghahanda at pangmatagalang pag-aayos.
Una, sa nakita nating paglubog ng mga bahagi ng lunsod ng Baguio sa baha, kailangan na talagang ayusin ang kahandaan ng ating mga siyudad at munisipyo. Kung ang isang mataas na lugar na mismo gaya ng Baguio ay maaaring malubog, paano na ang ibang mga kabayanan?
At kaugnay nito, kumusta na ba talaga ang kahandaan ng ating mga lokal na pamahalaan sa pagharap sa mga likas na sakuna? Nitong nakaraang taon, nabawasan ang pondo ng pamahalaan para sa disaster preparedness, risk, at rehabilitation. Hindi kaya dapat pa nga yatang dagdagan?
Ikatlo, karaniwang nakatutok tayo sa mga nasa tabing ilog o dagat sa mababang lugar ngunit ngayon nakita nating muli sa kaso ng Itogon sa Benguet na may malubhang banta rin ang bagyo at baha sa mga lugar kung saan may mga pagmimina maging sa mga matataas na lugar.
Kailangang maghigpit pa at maging mas masinop ang pambansa at mga lokal na pamahalaan para mas maging handa tayo sa mga sakunang hindi maiiwasan. Sa pagsikat ng araw at paglubog nito sa dapithapon, makatitiyak tayo na may bagyong maaaring parating na o sa himbing nating pagtulog sa madaling araw, mayayanig ang lupa.
Ang mabuhay ay isang hamon na maaari at kakayaning harapin kung tayo ay laging handa