Ni: Eyesha N. Endar
USUNG-USO ngayon ang accessories beads lalo na sa mga kabataan. At sa sobrang uso ng mga ito, maging ang mga may edad na lalaki man o babae ay tunay na nawiwili sa mga ito.
Kaya kung mahilig magkutingting, baka ‘swak’ sa iyo ang negosyong ito.
Ayon pa sa mga nagtitinda ng mga ganitong klaseng produkto, hindi umano sila nahirapan sa pagbebenta dahil talaga namang tinatangkilik ng mga tao. Ang mahalaga umano, hindi ka maiinip sa paggawa at may talento sa pagpili ng magagandang disenyo at kumbinasyon ng mga kulay para makuha ang gusto ng kostumer.
Ang isa sa ikinaganda ng negosyong ito ay katulad din ito ng mga alahas na pilak at ginto na hindi nawawala sa uso bagkus tumatawag ng pansin sa sinumang nakakikita.
Kung malaki ang iyong kapital, maari ka nang magbenta ng wholesale sa mga nagtitinda ng bead accessories sa mga shopping center at iba pang matataong lugar.
Maganda rin itong gawin souvenir at ibenta sa mga souvenir shop, lalung lalo kung ikaw ay malapit sa isang kilalang tourist spot.
Maaaring gumawa ng pangmasa lang, pangmiddle-class at pangmayaman upang hindi ka mawalan ng market. Mag-research sa Internet ng mga disenyo na aangkop sa iba’t-ibang uri ng tao.
Ang mga kakailangan ninyong tools – isang pares ng 2 in 1 pliers at isang long nose upang magamit sa paggawa ng bead accessories.
May iba’t-ibang technique o paraan sa paggawa ng bead accessories tulad ng stringing, broaching making, knotting at looping. Pero sa negosyong ito mas marami ang gumagamit ng stringing technique. Kailangan lang ng alambre o sinulid upang mapagkabit-kabit ang mga bato o beads.
Maari din hanapin itong mga technique sa Internet nang lalong maging malawak ang kaalaman.
Ang mga materyayes sa paggawa nito ay maaring mabibili ng wholesale sa Divisoria at Quiapo.