Matapos ang pagkapanalo ng silver medal sa 2018 Youth Olympic Games, target ni Christian Tio, 17, ang pagkamit ng karangalan para sa bansa sa kiteboarding event sa 2024 Summer Olympic Games sa Paris.
Ni: Quincy Joel Cahilig
ANG Boracay ay tunay na ipinagmamalaki ng ating bansa sa buong mundo dahil sa angking kagandahan nito mula sa mala-pulbos na mga buhangin at mala-kristal na dagat, kaya naman gayon na lang ang pananabik ng mga lokal at dayuhang turista na masilayan ang naturang paraisong isla.
Nguni’t ngayon ay may isa pang maipagmamalaki ang Boracay dahil dito nagmula ang pinakabagong “Pinoy pride” na nakakuha ng kauna-unahang medalya para sa bansa kamakailan sa 2018 Youth Olympic Games (YOG) sa Buenos Aires, Argentina.
Siya si Christian Tio, ang 17 anyos na nakasungkit ng silver medal sa men’s kiteboarding IKA Twin Tip Racing na event.
Si Christian Tio sa 2018 Youth Olympic Games Qualifier-Asia & Oceania sa Thailand.
PRIDE OF BORACAY
Ipinanganak at lumaki si Tio sa isla ng Boracay. Nagsimula siyang mag-kiteboarding sa murang edad na 7, sa gabay ng kanyang yumaong ama na isang Norwegian at Pinay na nanay, na may negosyong stakehouse sa popular na tourist spot.
“It was my mother Liezle who introduced me to the sport because I was never outside the house. She wanted me to go out,” ibinahagi ni Tio.
Magmula noon ay na-in love na siya sa kiteboarding at araw-araw siyang naging laman ng dagat para sa training, kahit na siya ay pumapasok sa eskwelahan.
Sampung taong gulang siya nang unang sumabak sa kumpetisyon bilang isang propesyonal sa KTA Asian Kiteboard Championship Tour, kung saan mas matanda sa kanya ang kanyang mga nakatunggali. Nguni’t nangulelat siya sa torneyo at natusok pa ng jellyfish.
Sa kabila nito ay naging mas agresibo siya sa kanyang training sa kiteboarding legend na si Khristopher Ken Nacor, na kanyang kamag-anak. Sa kalauna’y nagbunga ang kanyang pagsusumikap at natamo niya ang world #2 rank sa Junior Men’s division.
Taong 2014, sunod-sunod na ang pamamayagpag niya sa mga kumpetisyon at umangat ang kanyang pangalan sa mundo ng sports nang mag-first place siya sa Kiteboarding Tour Asia sa Taiwan, at second place sa U15 Men’s Freestyle: Junior Virgin Kitesurfing World Championships sa Sant Pere Pescador, Spain.
Sinundan ang mga tagumpay na ito ng first place sa Men’s Freestyle Open: ICTSI Philippine Kiteboarding Tour, at second place sa U15 Men’s Freestyle: Junior Virgin Kitesurfing World Championships sa Costa Brava, Spain noong 2015. Nag-first place naman siya sa Freestyle category ng 2nd Leg ng Philippine Kiteboarding Tour noong 2016. At nakapasok sya sa YOG qualifiers sa Thailand nitong Marso.
Nakuha ni Deury Corniel ng Dominican Republic ang gold medal samantalang nag-tie naman sina Toni Vodisek ng Slovenia at Christian Tio ng Pilipinas para sa silver medal sa men’s kiteboarding IKA Twin Tip Racing sa 2018 Youth Olympic Games sa Argentina.
PURSIGIDONG MAKAMIT ANG PANGARAP
Aminado si Tio na medyo naapektohan din ang kanyang paghahanda sa mga competitions ng anim na buwang pagpapasara sa isla ng Boracay upang bigyang daan ang rehabilitasyon nito. Dahil ipinagbawal ang paglusong sa dagat, kinailangan niyang mag-eensayo sa iba’t-ibang lugar gaya ng Caliraya, Laguna; Thailand, Spain, at South America. Sa Dominican Republic naman nagsanay naman si Tio para sa YOG ngayong taon.
Matapos mapanalunan ang silver medal sa YOG, tinatarget na ngayon ni Tio na sungkitin ang mailap na unang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics. Nguni’t kailangan pa niyang maghintay ng ilan pang taon.
“In 2020 (Tokyo Olympics), we don’t have it. But we’ll have it in 2024 in Paris. I have six years to prepare. I’d be 23 or 24 then,” sabi ni Tio, na makakatanggap ng P2.5 million cash incentive mula sa Philippine Sports Commission.
Habang hinihintay niya ang tamang panahon, pagsisikapan aniyang mas iangat pa ang kanyang husay sa kaniyang sport. Kasabay nito ang paghimok sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataang gaya niya na sumabak sa kiteboarding dahil malaki umano ang potential ng Pinoy na mag-excel dito.
“I hope they will. We have so many islands. We can kite in them,” wika ni Tio.