Ni: Dennis Blanco
Ang mga nabanggit na mga diskurso o naratibo ayon sa punto de bista ni Marcos ang nagtulak sa kanyang rehimen na ideklara ang martial law batay na rin sa umiiral na saligang batas noon — ang 1935 Constitution.
Ayon dito, konstitusyonal o legal ang pag-deklara ng batas militar kung mayroong pagsakop o rebelyon at kung kailangang pangalagaan at protektahan ang kapakanan, kaligtasan at kaseguruhan ng buhay ng mamamayan. Bilang isang mahusay na abogado at mambabatas, napagtagnitagni ni Marcos kasama si Enrile na buoin ang mga pangyayaring ito bilang mga salik at batayan sa pagtatag ng isang mas malawak at malaking plano para iligtas ang republika — ang batas militar
Ang diskurso naman ng mga kritiko ni Marcos ay mas malalim pa sa mga pangyayaring atin nang nabanggit noong unang bahagi.
Para sa kanila, ang batas militar, ay idineklara ni Marcos ayon sa mga sumusunod naratibo: Una, ay naglalayon ito na mapahaba pa ang kapangyarihan ni Marcos at mapanatili pa ito nang matagal sa puwesto; pangalawa, bilang tugon na rin sa panawagan ng Estados Unidos na panatilihin pa ang mga base militar tulad ng Subic Naval Base sa Olongapo City, Zambales at Clark Air Base sa Angeles, Pampanga; at pangatlo, upang maipagpatuloy ng rehimen ang pagkunsinti sa korapsyon at pandarambong ng malalapit nitong mga kamag-anak, kaibigan at iba pang ka-alyado.
Ating usisasin isa-isa ang mga nasabing diskurso. Matatandaang ayon sa 1935 Constitution ay di na puwede muling tumakbo ang sinoman matapos ng dalawang magkasunod na termino na binubuo ng walong taon na tuluyang paglilingkod bilang pangulo. Si Marcos ay nahalal noong 1965 nang talunin niya si Diosdado Macapagal at muling nailuklok sa kapangyarihan noong 1969.
Samakatuwid, hindi na muli pang puwedeng tumakbo si Marcos sa pagkapangulo sa 1973 presidential elections dahil naisagad na niya ang kaniyang termino. Ang tanging paraan lamang upang siya ay manatili bilang pangulo at ay ang pag-amyenda o pagbago ng saligang batas.
Naisakatuparan niya ito sa pamamagitan ng 1973 Constitution sa pamamagitan ng huwad na citizen’s assemblies kung saan ang pagboto sa pag-apruba ng bagong saligang batas ay sa pamamagitan ng taasan ng kamay at hindi sa kapangyarihan ng lihim na balota o secret balloting.
Ayon sa transitory provisions ng 1973 Constitution, maski ang kapangyarihan ng lehislatibo at judikatura ay nakalagak sa punong ehekutibo (chief executive) sa madali’t salita ay kay Marcos.
Napalawig at napahaba rin ang panunungkulan ni Marcos sa kawalan ng 1973 ng nakasaad na hangganan sa kaniyang kapangyarihan at kahinaan ng principles of checks and balances sa mga sangay ng pamahalaan.
Dagdagan pa ito ng Amendment no. 6 na nagbibigay kapangyarihan kay Marcos na gumawa at sumulat ng mga batas na mandato ng lehislatura at hindi ng ehukutibo sa pamamagitan ng mga presidential decrees (PD), letter of instruction (LOI), executive order (EO) at proclamation numbers.
Dahil dito ay maituturing na isang constitutional authoritarian si Marcos dahil ginamit niya ang saligang batas bilang sandata para mapanatili siya sa kapangyarihan, magapi ang mga diumano’y kalaban ng estado at maipatupad ang layunin ng batas militar.
Itutuloy…