Delegasyon ng Pilipinas sa CAEXPO 2018.
Ni: Jonnalyn Cortez
Nilahukan ng 70 iba’t-ibang lokal na kompanya ang nakaraang 15th China-ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Expo (CAEXPO) sa Commodity Pavilion sa Hall D15 ng Nanning International Convention and Exhibition Center sa Guangxi, China, kasama ang mga delegado ng Pilipinas sa hangaring makakuha ng hindi bababa sa $26 milyong exports.
Sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI), sa tulong ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM), iprinisinta ng bansa ang mga pangunahin nitong export products tulad ng mga gamit sa bahay, pagkain, mga serbisyo pangkalusugan, at pananamit.
PAGLAHOK SA CAEXPO
Ipinagmalaki ni DTI-CITEM Executive Director Paulina Suaco-Juan, na siya ring vice secretary-general ng delegasyon ng Pilipinas sa CAEXPO, ang paglahok ng bansa sa naturang kombensyon.
“The Philippine export drive in China and Southeast Asia is now in full swing as we bring the highest number of local firms yet in the country’s 13 years of participation in CAEXPO. This bigger and bolder participation signifies the government’s commitment to scale up local players in the international market and strengthen the country’s position as a global trade and investment hub,” saad ni Juan.
“We filled one hall at the Commodity Pavilion with 70 product exhibitors and two tourism promotion board agents and five investment promotion agencies. The rest of the spaces will be used as B2B (business-to-business),” dagdag ni Suaco-Juan. “This is the biggest in the 15 years of CAEXPO.”
Sinabi naman ni Ministry of Commerce of China spokesman Gao Feng na mayroong mahigit-kumulang na 11,000 bisitang mangangalakal ang dumalo sa CAEXPO. Mayroon din ditong 700 na mamimili na hindi miyembro ng CAFTA (China-ASEAN Free Trade Area) tulad ng mga bansang Tanzania, Egypt, Iran, Ethiopia, India, Russia, at Ukraine.
Isa ang turismo sa mga ibinidang maaaring pamuhunan sa CAEXPO 2018.
ANO NGA BA ANG CAEXPO?
Ginaganap ang CAEXPO sa hangaring isulong ang China-ASEAN Free Trade Area at ang relasyon ng mga bansang kabilang dito sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad at pagtutulungan sa pag-unlad.
Binubuo ito ng gobyerno ng China at ng 10 miyembro ng ASEAN: ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam, at ng ASEAN secretariat.
Pangalawa ito sa pinakamalaking kalakalan sa China na ginanap sa 100,000 metro kwadradong espasyo na kayang maglaman ng 4,600 na iba’t-ibang mga kubol at 57,000 na mga kalahok mula sa buong mundo.
Ginaganap din ang CAEXPO kasama ang 15th China-ASEAN Business Investment Summit upang itaguyod ang kalakalan sa pagitan ng China at mga namumuhunang komunidad sa ASEAN.
Nais naman ng Pilipinas na samantalahin ang pagkakataong ito upang pataasin ang exports ng bansa sa China sa gitna ng gumagandang relasyon ng dalawang bansa.
Bunsod nito, tumaas ang exports ng Pilipinas sa China ng 13.95 porsyento kada taon mula 2015 hanggang 2017. Pilipinas din ang nangungunang kasosyo sa kalakalan ng China noong nakaraang taon na may bilateral trade na umabot ng $23.82 bilyon.
Ang ika-15 CAEXPO na ginanap sa China.
PINAKAMABENTANG PRODUKTO
Apatnapu’t dalawang kompanya ang lumahok sa CAEXPO noong nakaraang taon ang nakapag-uwi ng $37.94 milyong exports mula sa 4,076 na mamimili mula sa target lamang nitong $8 milyon. Higit naman itong malaki kumpara sa $6.747 na halaga ng exports na naiuwi ng bansa noong 2016.
Ilan sa pinakamabentang produkto noon ay ang banana chips, mga native bags na gawa sa pandan, at mga inuming pangkalusugan na gawa sa mga mangosteen at guyabano.
Bunsod nito, napagpasyahang damihan ang mga ganitong uri ng produkto na inilunsad sa CAEXPO ngayong taon.
“For this year, we increased the number of companies that sell natural and organic food products since there is a huge demand from the increasingly health-conscious Chinese market as observed from last year’s participation. We look to leverage on these trade opportunities as more demand comes with China’s continuous economic expansion with its Belt and Road initiative,” ani Suaco-Juan.
PAG-AALOK NG PAMUMUHUNAN
Inalok ng Pilipinas ang mga kompanya ng China na lumahok sa ika-15 na CAEXPO na mamuhunan sa mga negosyo sa Pilipinas tulad ng pagmamanupaktura, produksyon ng mga pagkain, turismo, mga startups, imprastraktura, at sa lumalagong ekonomiya ng bansa.
Binigyang-diin ni Consul General for Guangzhou Marshall Louis Alferez sa talumpati nito sa Philippine Promotion Conference sa CAEXPO na ngayon ang pinakamagandang panahon upang mamuhunan sa Pilipinas dahil na rin sa lumalakas at lumalagong ekonomiya nito na hindi lamang makikita sa National Capital Region kundi pati na rin sa mga karatig probinsya.
Dagdag naman ni Trade Undersecretary Nora Terrado sa parehong pagpupulong na maraming mga pagkakataon ang mga kompanya ng China na mamuhunan sa Pilipinas.
“We continue to look for investors and partners in the sector of parts manufacturing like electrical bicycles, electric vehicles, light vehicles, and even trucks and buses,” anito.
Dagdag pa ni Terrado, bukas ang Pilipinas sa mga kompanya ng China na nais mamuhunan sa industriya ng paggawa ng mga matataas na kalidad ng damit, bags, at mga produktong may kaugnayan sa non-polluting textile manufacturing na pang-export. Kabilang din dito ang component manufacturing at mga materyales sa gusali.
SUSUNOD NA CHINA INTERNATIONAL IMPORT EXPO
Nais ng Pilipinas na makakuha ng mas malaking espasyo sa darating na China International Import Expo (CIIE) sa Shanghai, China, sa darating na Nobyembre na pwedeng lahukan ng mas maraming interesadong magtatanghal ng mga produkto pagkatapos ng partisipasyon ng bansa sa nakaraang CAEXPO.
Sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry Inc. chairman emeritus Francis Chua na magdudulot ng magandang epekto ang partisipasyon ng Pilipinas sa CAEXPO. Umaasa itong makikita ng China ang kakayahan ng mga Pilipino sa export market, pagkakaroon nito ng mga may matataas na kalidad na produkto, at karapat-dapat itong mabigyan ng mas malaking pwesto sa CIIE.
“We hope that once the Chinese recognize the capability of the Philippines in putting up this booth in attending this particular expo, they may realize there is a big potential from the Philippines and hopefully, we might get some more (space). We remain hopeful,” anito.