Ni: Melody Nuñez
MAGIGING abala na naman ang taong ito para sa mga nais pumasok sa pulitika.
Dahil eleksyon na naman at katulad ng inaasahan ay iba’t ibang paraan ang gagawin ng mga umaasam ng posisyon sa gobyerno para sila’y iboto.
Nariyan na ang pag-iingay sa mga pampublikong daan at liwasan, magsasabitan ang mga naglalakihang mukha ng mga kandidato mabuti na lamang ay ipinagbawal na ang pagsabit sa mga pampublikong lugar ng mga naglalakihang mga nakaka-agaw tingin na mga karatula. Talaga naman ay nakakasagabal at nagpaparumi lamang sa lugar at nakalala pa nito ay iiwanan na lamang ang mga kalat pagkatapos ng eleksyon.
Hindi maiiwasan na may mangyayaring kaguluhan kahit na nga ang magkapamilya, magkapatid o mag-ama ay hindi magkakasundo dahil hindi sila pareho ng pananaw sa pulitika o nais nilang tumakbo sa parehong posisyon ng pamahalaan.
Nakakapagtataka kung bakit hinahangad nila ang ganitong magulong buhay. Hindi na natin mawawatasan kung tunay nga ba na mabuti ang hangarin nila kung bakit nais nilang manungkulan sa bayan.
Aasahan na rin ang paggapang ng vote buying na sa murang halaga ng P50, P100, P1000 ay nakukuha na ang mga boto ng mga tao.
Pangako roon, pangako rito. Sobrang malapitin at mabait sa mga tao tuwing panahon ng kampanya ngunit kapag naihalal na ay nakalilimutan na ang mga pangako nila. Ganito na lamang palagi ang nangyayari. Parang karaniwan na lang at walang natutunan.
Dapat tayo ay maging mapanuri at matalino sa ating pagboto. Huwag magpadala sa pera o sikat na artista o sinumang sikat na tao na wala namang alam sa pulitika.
Dahil nasa kamay na rin natin ang ikababagsak o ikauunlad ng ating bansa. Nasa atin ang kalayaan ng pagpili at piliin lamang natin ang nararapat na iluklok sa pamamahala ng bayan.
Pipiliin lamang natin ang mga taong may kakayahan at may malasakit sa bayan. Iwasan natin ang mga taong marami sa salita ngunit wala namang tayong nakikita sa gawa.
Kaya maging mapanuri at matalino sa pagboto!