MASASABING isang tamang desisyon ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Israel sa isang seven-year oil exploration contract.
Magiging daan ito para mapakinabangan ng Pilipinas ang sarili nating energy resources at nang hindi na lubusang umasa lamang sa pag-angkat ng langis mula sa ibang bansa.
Ang presyo ng langis ang isa sa itinuturing dahilan kung bakit tumaas ang inflation rate simula noong Agosto. Umakyat ito sa 6.4 percent mula sa 5.7 percent noong Hulyo at 2.6 percent naman noong Agosto 2017.
At nagpatuloy pa itong umakyat sa 6.7 percent nitong Setyembre, malayo sa 3.0 percent noon sa parehong buwan nang nakaraang taon.
Kung tataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, tiyak na maaapektuhan din ang galaw ng presyo ng mga pangunahing produkto.
Ganito kadepende ang bansa natin sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan ng langis. Napipilitan ang bansa na mag-angkat ng langis sa ibang bansa dahil wala itong sapat na suplay nito.
Kapag tumaas ang inflation rate ay mabilis tumaas ang presyo ng mga bilihin nangangahulugan ito na matatamaan din ang bulsa ng mga karaniwang Pilipino.
Kaya nararapat na maging bukas tayo sa partnership sa ibang bansa o kumpanya para maisulong ang oil exploration sa sarili nating likas yaman.
Mas mabuti na ang ibahagi sa iba ang extraction ng oil kaysa manatili itong hindi mapakinabangan dahil sa kakulangan ng kapital sa bansa.
Aasahan natin na ang kasunduan para sa oil exploration sa pagitan ng Pilipinas at ng Israeli firm na Ration Petroleum Ltd. ay makakatulong na mabawasan ang pagsandal ng ating bansa sa langis na inaangkat pa natin sa ibayong dagat.
Kapag sapat ang suplay ng langis sa ating bansa ay hindi na natin kailangang umangkat pa sa pandaigdigang merkado para sa gayun ay hindi na maaapektuhan pa ang presyo ng ating pangunahing bilihin kung tataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang kalakalan.