Ni: Crysalie Ann Montalbo
ISA sa mga nagpapatingkad ng kagandahan ng isang babae ay ang kanyang buhok. Upang mas mangibabaw ang magandang istilo, tara na’t ating alamin ang mga gupit na babagay sa hugis ng iyong mukha.
- Oval – kung ang iyong mukha ay hugis oval, babagay sa’yo ang maikling gupit na may side bangs. Mas napapaliit nito ang iyong mukha at baba.
- Parisukat (square) –nagtataglay ba ang iyong mukha ng hugis parisukat? Kung ganoon, akma sa iyo ang mahaba at layeredna cut. Mas napapaigting nito ang iyong personalidad.
- Puso (heart) – kumpara sa hugis parisukat, mas malapad ang noo sa hugis-puso na mukha. Babagay sa’yo ang istilo ng buhok na mas mahaba sa iyong baba, at pwede itong pakulutan upang mas magdagdag ng volume sa ilalim ng iyong mukha. Ang asymmetrical at layered bangs ay kabilang sa rekomendasyon.
- Tatsulok (triangle) – ito naman ang kabaligtaran ng hugis pusong mukha. Kung sa una’y bagay ang pagkakaroon ng bangs, dito naman sa hugis-tatsulok ay mas makabubuti ang walang bangs na nagpapakita ng balanse sa iyong mukha.
- Round – Pumili ng istilo na mas nagdadagdag ng haba sa iyong mukha. Ang pagkakaroon ng layer at bangs ay posibleng makapagpayat ng iyong mukha ngunit mas pinapayuhan pa rin ang gupit na gumigitna lamang sa ikli at haba.
- Diamond (brilyante) — Ang pagkakaroon ng mahaba o maikling buhok ay akma sa mga may ganitong hugis ng mukha. Dapat lang na matakpan ang bahagi ng iyong tenga patungo sa pisngi upang magmukhang mas payat ang iyong itsura.