Ni: Dennis Blanco
ANG pangalawang dahilan, ayon sa diskurso at naratibo ng mga kritiko ni Marcos at batas militar: na ang batas militar ay kinatigan at sinuportahan ng Estados Unidos para mapanatili ang kanilang mga base militar sa Pilipinas, partikular na ang Subic Naval Base sa Olongapo City, Zambales at Clark Air Base sa Angeles, Pampanga.
Ang mga base militar na ito na nasa Timog-silangang Asya ay istratehiko sa depensa ng buong rehiyon. Ito ay nagsisilbing panangga sa lumalaking banta ng komunismo sa Asya dahil ito ang pinagbatayan ng Domino Theory ng dating mga pangulo ng Estados Unidos na sina Lyndon Johnson at Richard Nixon bago pa man sumiklab nang husto ang digmaan sa Vietnam.
Sa ilalim ng teoryang ito, naniwala ang mga Amerikanong lider na kung babagsak ang Vietnam sa kamay ng mga komunista ay mapapasailalim na ang buong Asya sa rehimeng komunista.
Dapat din nating bigyan-diin na matatapos na rin ang Mutual Defense Treaty na nagtatalaga ng panananatili ng mga base militar sa Subic at sa Clark hanggang sa taong 1973 lamang kaya’t mahalaga na madeklara ang batas militar at mabago ang saligang batas na mapapatagal pa ng base militar sa Pilipinas.
Mangyayari lamang ito kung si Marcos ay mananatili sa kapangyarihan at maisakatuparan ang pulitikal, militar at pang ekonomikang interes ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Ang pangatlong kadahilanan sa pagdeklara ng batas militar ayon sa mga kritiko ay upang maprotektahan ang mga sariling interes ng mga Marcos at Romualdez kasama na ang kanilang iba pang kamag-anak, kaibigan, negosyante at kasosyo sa negosyo at mga kaalyado o mga tinaguriang cronies.
Ang mga ito ang patuloy na nagsamantala at nagpasasa sa kaban ng bayan na napasakamay lamang ng iilan. Bagama’t layunin ng batas militar na gibain ang mga oligarchs o mga kapitalistang elitista, ngunit tinuon lamang ng rehimeng Marcos ang kanilang paningin sa kanilang mga kalaban tulad ng mga Lopez, Aquino at Osmeña pero hindi nito giniba ang mga elitistang kapitalista sa kanilang hanay.
Kung ating lalagumin ang dalawang diskurso at naratibo, makikita nating legal o konstitusyonal ang basehan ng rehimeng Marcos at pulitikal, etikal at ekonomikal naman ang mga dimensyong basehan ng pagtuligsa nito sa batas militar.
Maaring tama si Marcos na may nagbabantang panganib ng pananakop, rebelyon o pag-aalsang naglalayong pabagsakin ang gobyerno subali’t naiisantabi nito ang hangganan ng pagdedeklara ng batas militar sa aspeto ng panahon at elemento ng demokratikong proseso at institusyon.
Batay sa saligang-batas, ang batas militar ay puwedeng ideklara na hindi lalagpas sa loob ng 60 araw ngunit tumagal ito ng halos isang dekada. Ayon sa Saligang Batas, kung nais na palawigin ito, kailangang katigan ng Kongreso gayun na rin ng Korte Suprema.
Bagamat ang batas militar ay bahagi ng kapangyarihan ng Pangulo bilang pinakamataas na ehekutibo, kailangan pa rin itong pagtibayin ng kongreso at sang-ayunan ng Korte Suprema, mga demokratikong institusyon na mahina noong panahon ng batas militar.
Kung sa teorya meron pang kapangyarihan ang mga sangay na ito, sa aktwal na karanasan noon, ang mga sangay ay nanatiling sunod-sunuran lamang sa pangulo (rubber stamp) at hind lubusang gumanap sa tungkulin dahil na rin sa paglalagay, pamumuwersa, pananakot, at pagbabanta ng batas militar.