Isang inspirasyon para sa mga Russians at Muslims
Ni: Quicy Joel V. Cahilig
Marami ang nasindak at napahanga sa kakaibang bangis sa pakikipaglaban na ipinakita ni Khabib Nurmagomedov nang kanyang talunin ang tanyag na MMA fighter at dating kampeon na si Connor McGregor via submission sa nakaraan nilang sagupaan sa Ultimate Fighting Championship 229 para sa UFC lightweight title.
Nasaksihan din ng mundo ng sports kung gaano katindi ang rivalry sa pagitan ng dalawang mandirigma, na humantong pa sa labas ng octagon at kinasangkutan pa ng kani-kaniyang staff.
Pero dahil dito lalong naging matunog ang pangalan ng 30-anyos na Russian mixed martial arts (MMA) fighter, na wala pa ring dungis ng pagkatalo sa kanyang 27 career fights.
Isang screenshot sa viral video sa YouTube kung saan ka-wrestling ng batang Khabib Nurmagomedov ang isang batang oso.
SINO BA SI KHABIB ?
Ipinanganak si Nurmagomedov sa Tsumadinsky District, Dagestan, isang maliit na bayan sa Caucasus. Siya ang pangalawa sa tatlong anak ng war veteran at dating atletang si Abdulmanap Nurmagomedov.
Bata pa lang ay sumasabak na sa combat training si Nurmagomedov. At nang lumipat ang kaniyang pamilya sa Makhachkala, ang kapitolyo ng Dagestan, sineryoso niya ang pagsasanay sa pakikipaglaban. Sa edad na 12 sinimulan niyang pag-aralan ang wrestling, at judo pagtungtong niya ng 15.
Sa isang viral video nga ay makikita na nakikipag-wrestling ang batang Nurmagomedov sa isang batang oso. Ganoon katindi ang training niya sa murang edad.
Nakita ng kanyang ama ang kanyang determinasyon kaya ginawan siya nito ng improvised gymnasium sa basement ng kanilang bahay. Talagang suportado ni Abdulmanap ang combat training ng kanyang anak, lalo na’t isang problema sa kanilang lugar ang terorismo.
“I believe every man must be ready for war even in peaceful times as it is always a topic of discussion in the Caucasus,” aniya.
Gayon na lamang ang dedikasyon ni Nurmagomedov sa training dahil sa pagnanasa niyang lumaban sa UFC. “It’s my childhood dream and I can tell you that I’ve seen all of UFC’s fights. This is something I was doing while other kids played video games,” wika niya.
Sa edad na 17, lumipat muli ang pamilya Nurmagomedov sa Kiev, Ukraine at dito siya nagsimula ng training sa combat sambo at kinalaunan siya ay naging two-time Russian Combat Sambo at two-time World Sambo Champion.
Sa kabila ng kanyang intense training sa martial arts, nakapagtapos siya ng college sa Financial Academy. At bilang isang Internationally Recognized Sambo Master, naging instructor siya ng martial arts ng mga kabataan.
ANG PAMAMAYAGPAG NG ‘AGILA’
Sa kaniyang height na 5’10”, bigat na 155 lbs, reach na 70 inches at leg reach na 40 inches, bihasa si Nurmagomedov sa free style grappling. Mas mapanganib siya kapag naitumba ang kalaban, dahil tila imposible na pigilan ang kanyang “ground-and-pound” technique na pinaghalong sambo, judo, at wrestling na dudurog sa sinomang katunggali sa ilalim niya. Dahil sa kanyang estilo, tinagurian siyang “The Eagle”.
“My background is to smash opponents — make him flat, make him give up, make him broken; this is my style. “This is what I do all my life. I have wrestling guys as opponents, I have striking guys as opponents —it doesn’t matter; all the time, I keep going,” paliwanag ni Nurmagomedov.
Sa opisyal na pagsabak niya sa MMA noong 2008, nakapagtala agad siya ng apat na panalo sa loob ng isang buwan. Nang lumobo ang kanyang record sa 16-0, nakuha niya ang atensyon ng UFC at pumirma na siya ng six-fight agreement.
“In 2008 I decided to start competing in MMA under the guidance of my father. I had secured a few Combat Sambo awards by that time. My first fight, I finished in the second round by RNC and was awarded submission of the night,” ibinahagi ni Nurmagomedov.
Sa kasamaang palad, nagtamo ng knee injuries ang Russian fighter noong 2014 at 2016 na nagpabagal bahagya ng takbo ng kanyang professional MMA career. Nguni’t nang bumalik siya sa octagon noong 2016, tinalo niya si Darrell Horcher na naglagay sa kanya sa tuktok ng dibisyon. Kinalaunan ay tinalo niya si Al Iaquinta para sa interim UFC Lightweight Championship, at naging kauna-unahang Russian at unang Muslim na nanalo ng kampeonato.
Bagama’t kinatatakutan sa laban, si Nurmagomedov ay nagsisilbing inspirasyon sa kaniyang mga kalahi at kapanalig. Isang patunay na kung mayroon mang bagay sa buhay na mas dapat pag-gamitan ng tapang, ito ay ang pag-abot at pakikipaglaban para sa pangarap.