Louie C. Montemar
Bigyang-pansin natin ang mga mangingisda, magsasaka, manggagawa, residente, at mga opisyal ng isang barangay sa Atimonan, Quezon na umapela sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa agarang pag-apruba sa isang 1,200 megawatt (MW) power plant ng Atimonan One Energy (A1E) na tinatayo sa kanilang bayan.
Ayon kay Demosthenes Hernandez, pangulo ng Municipal Agriculture and Fisheries Council, ipinahahayag lamang nilang mga taga-Atimonan ang pagsuporta sa 2×600 MW super-critical power plant na maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang lalawigan.
Setyembre 19 pa nang magtungo sa ERC ang mga taga-Atimonan upang ipahayag ang kanilang suporta sa proyekto.
Akma at napapanahon lamang ang mga ganitong pagkilos, kung tutuusin. Asahan nating kumilos pa ang taongbayan dahil sa nakikita nating mga kahinaan at kakulangan sa sektor ng enerhiya.
Ayon nga sa ulat ng DOE’s nitong Hunyo 2018, may nadagdag na 442 MW sa generating capacity ng bansa sa unang kalahati ng taong 2018. Gayunpaman, ang demand o pangangailangan naman sa parehong panahon sa Luzon ay nadagdagan lamang ng mga 822 MW. Kapos pa rin.
Kailangan pa ba ng mas maraming pagkilos gaya ng ginagawa ng mga taga-Atimonan upang mapatayo ang mga power plant para sa pambansang kaunlaran? Wika ni G. Hernandez, “Kinakatawan namin ang marami pang sumusuporta sa proyekto. Nagpunta rin kami rito upang ipakita kay Chair Agnes Devanadera na sinusuportahan namin ang ERC at naniniwala kami na makikita ng iba pang mga commissioner ang kahalagahan ng proyektong ito sa amin, upang matiyak ang seguridad ng enerhiya para sa Pilipinas.”
Paano nga ba makahahabol ang suplay sa demand na kailangan ng bansa lalo na kung nais nating mapalago ang ekonomiya kung aayon sa isang pag-aaral ng UP Energy Policy and Development Program (EPDP) ay may red tape talaga sa burukrasiya na nakakadagdag pa sa mga nagiging sanhi ng pagtaas sa presyo ng kuryente?
Kailangan ding bigyang-pansin na pinabilis din ng Department of Energy (DOE) ang pagpapatupad sa AE1 project nang maglabas ito ng isang sertipiko na ang naturang gawain ay isang Energy Project of National Significance (EPNS).
Sa harap ng alanganing lagay ng ating sektor ng enerhiya sa ngayon na may nakaambang pagkukulang sa suplay, kinakailangang susuportahan natin ang paghilera at pagturing na prayoridad ang mga EPNS.
Tamang suportahan natin ang lahat ng mainam na panukala’t plano para sa pagpapayabong sa sektor ng enerhiya. Kabilang dito ang pagkakaroon ng isang Energy Virtual One Stop (EVOSS) Act ng 2017 at ang pagsisikap ng DOE sa pagpapatupad ng Executive Order No. 30 (paglikha sa Energy Investment Coordinating Council upang maisaayos pa ang pangangasiwa sa mga patakaran at proyektong pang-enerhiya).
Sa Senado, pinapanukala naman ang batas na magbabantay sa mga pagtaas ng presyo ng kuryente—ang batas sa pagpapababa ng halaga ng kuryente. Murang Kuryente Act. Minumungkahi rito na gamitin ang pondo ng Malampaya upang bayaran ang mga natitirang gastos sa kontrata at maiiwan na mga utang ng NPC.
Sa kalaunan, papabor ang lahat ng iyan para sa mga karaniwang konsyumer kung mapababa ng mga ito ang presyo ng kuryente.