ANG Malampaya Gas to Power project site.
Ni: Kristine Joy Labadan
ANG kontrobersyal na Malampaya Deepwater Gas-to-Power project ay kailangang masusing pag-aralan upang maintindihan ang kinakaharap ng Pilipinas sa larangan ng eherhiya. Ang kontrobersyang bumabalot dito at kaugnay ng P9.5 bilyong pork barrel scam kung saan isiniwalat ni Merlina Sunas, isang whistleblower, ang ‘di umanong P900 milyong kita ng gobyerno mula sa proyekto na napunta lamang sa mga non’gvernment organizations (NGO) na pinapatakbo ni Janet Lim-Napoles. Mga resources at pera na dapat sana’y nakalaan sa mga biktima ng bagyo at para sana sa mga proyekto sa pag debelop ng renewable energy sa bansa.
Gayunman, sa likod ng samu’t-saring balita kaugnay ng Malampaya project, nariyan din ang mga kwento ng mga Pinoy na inhinyero, doktor, tekniko, at iba pang propesyunal na nagtatrabaho sa Malampaya Platform.
Ang Malampaya Platform ay matatagpuan sa West Philippine Sea na may layong 80 kilometro hilagang-kanluran mula sa isla ng Palawan. Ang hindi batid ng marami, ang mga trabahador dito’y nagbabanat ng buto sa ilalim ng mainit na sikat ng araw habang sinisiguro na tatakbo nang maayos at walang patid ang mga naglalakihang makina sa platform. Ilan pa sa mga nagtatrabaho roon ay nagtitiis na napakalayo sa kanilang mga pamilya upang makapagtrabaho.
Narito ang anim na katotohanang hindi batid sa publiko tungkol sa Malampaya Platform.
Sinusuplayan ng Malampaya ang halos kalahati ng elektrisidad sa Luzon.
Ang Malampaya ay kumukolekta ng natural gas mula sa ilalim ng dagat. Pagkatapos nito’y dadaan ang gas sa mga tila balon na makina hanggang sa production platform, kung saan hinihiwalay ang gas sa tubig, at kinu-condensate ang de-kalidad na langis.
Sa bawat dalawang linggo, ang na-condensate na langis ay kinukolekta ng isang tanker habang dumadaan naman ang natural gas sa isang pipeline na may habang 500 kilometro. Ito ay nasa ilalim ng dagat at nakakonekta sa isang plantasyon sa Batangas, na siya namang namamahagi ng enerhiya sa tatlong power stations na naghahatid ng elektrisidad sa halos kalahati ng Luzon.
Ang proyekto ng Malampaya ay ang pinagsama-samang pagtutulungan ng mga kumpanyang ng langis na. Shell, Chevron at Philippine National Oil Company.
MGA empleyado ng Malampaya
59 katao lamang ang hinahayaang lumagi sa platform sa kahit anumang oras.
Sa kadahilanang 59 na tao lamang ang kayang pagkasyahin sa lifeboat, ang bawat trabahador ay nakikipagpalitan sa iba upang magawa rin nilang makauwi sa kanilang mga tahanan at makapaglaan ng oras sa kani-kanilang mga pamilya.
Ayon sa panayam kay Engr. Angelique Manlangit sa isang dokyumentaryo, bawat tao sa platform ay mahalaga. “Noong unang gabi, medyo nahirapan akong makatulog. Dapat kasi, basta may alarm, handa ka. Ayoko rin kasing magkaroon ng special treatment. Bawat tao rito kanya-kanya kami ng role.” Si Manlangit ang operations manager noong binuo ang dokyumentaryo at ang nag-iisang babae sa platform.
Dahil pahirapan nga ang mas malaking espasyo at pabagu-bago ang panahon sa pinagtatrabahuhang lugar, ang Permit Control Facility ang isa sa mga pinakamahalagang espasyo sa Malampaya.
“Dito namin mina-manage at kino-control ‘yung work permits para unang-una, hindi magkakaroon ng conflict sa ibang trabaho. Alam namin kung anong ginagawa ng bawat tao,” pagsasaad ni Engr. Danny Velasco, operations engineer at permit coordinator ng Malampaya.
Lahat ay sinasanay sa dapat gawin sa oras ng sakuna.
Lahat ng empleyado ng Malampaya ay sumasama sa isang oras na byahe lulan ng helicopter mula sa Puerto Princesa, lagpas ng mga isla ng Palawan, hanggang sa wala nang bakas ng lupain ang nasisilayan.
Bago tuluyang makapunta sa Malampaya, kailangan muna sumailalim ang kahit na sino sa isang pagsasanay na tinatawag na Basic Offshore Safety Induction and Emergency Training course sa Consolidated Systems Training, Inc. (CSTI). Walang sinuman ang hindi saklaw ng pagsasanay na ito sa mga nagnanais makatapak ng Malampaya.
Sa loob ng tatlong araw ay matututunan ang mga paraan kung paano pumatay ng apoy, paano magligtas ng kasamahan sa oras ng sakuna, at pati na kung paano makakaalis ng helicopter kung sakali mang ito’y bumagsak sa dagat.
Ang pagtatrabaho malayo sa pampang ay isa sa mga mapanganib na trabaho sa buong mundo.
Dahil dalawang volatile substances ang nalilikha sa Malampaya—gas at ang condensate —ang pinaka-istriktong patakaran para sa kaligtasan ng mga empleyado ay mahigpit na pinapatupad upang maiwasan ang mga sakuna. Ang pinakamapanganib na maaaring maganap sa Malampaya ay ang pagsabog ng isang hydrocarbon. Paano nga ba nito naaapektuhan ang isang plantasyon na nasa gitna ng malawak na katubigan? Ang napabalitang insidente ng pagtagas ng langis ng BP Deepwater Horizon na sanhi ng high-pressure methane gas na lumamon sa isang buong platform at nagpalubog nito ang isang halimbawa. Kumitil ito ng 11 buhay ng mga empleyado at nagpaagos ng langis sa gulpo ng Mexico. Mapa-hanggang ngayon ay humahampas pa rin ang mga langis na nagmula rito sa mga pampang ng Louisiana.
“Lahat tayo, VIP when it comes to safety,” pagdidiin ni Engr. Rey Barcebal, installation manager ng Malampaya. “Imagine n’yo yung nagagawa ng 11-kilogram tank ng LPG sa bahay, ‘pag sumasabog ‘yun, nasusunog ‘yung buong barangay. Dito sa Malampaya, we’re operating at around 400 million standard cubic feet of gas. Mataas ang pressure, and we have a pipeline na may laman ding gas.”
Hindi natatapos doon ang panganib sa mga empleyado ng Malampaya dahil kahit ang mga natural na phenomena ay isa rin sa kanilang pinangangambahan dahil walang kahit anong lupain o bundok ang pumuprotekta sa plantasyon. Maliban sa mga probinsyang madalas bayuhin ng mga nagdaang bagyo, hindi nakakaligtas maski ang Malampaya mula rito. “[Noong Bagyong Yolanda], grabe ang hangin. Talagang dumadagundong sa aming living quarters. Pati yung mga antenna, nababaluktot,” pag-alaala ni Engr. Ariel Benipayo. “Ang unang priority namin ay ang safety ng mga tao. Secondary na lang ‘yung asset.”
Lahat ng nasa loob ng Malampaya ay may mga sariling emergency kit at may regular na pagtugon at pagsasanay sa paglikas. Sa pangyayari ng isang pagsabog, ang mga inhinyero ay didiretso sa muster station habang ang mga nakatalaga sa pagpatay ng apoy ay gagawin ang kanilang trabaho. Kung hindi ito naapula, idi-deklara ng offshore installation manager na lahat ng empleyado ay lilikas paalis ng platform.
Kahanga-hanga ang mga pagkain.
Sa kabila ng panganib na kaakibat ng pagtatrabaho sa Malampaya, kung may isa mang nagpapasaya sa mga tao roon, iyon ay ang pagkain. Karaniwan na sa Malampaya ang paghahanda ng mga nagluluto ng sampung putahe ng pagkain. Kung may nagdidiwang nga raw ng kanyang kaarawan ay nagbi-bake pa sila ng cake. Tunay na bukambibig ng mga empleyado roon ang mga pagkain.
Ayon sa kwento ni Francis Christian Ocoma, chef at camp boss sa Malampaya, ang kanyang trabaho raw ay, “similar to [working in] a hotel. We have to attend to each and every one’s needs, to the simplest toilet paper up to the details of what they eat. It must be healthy, delicious, and of course, hotel standard preparations.” Isang barko na may dalang mga suplay ng 45 toneladang mga frozen meat, tubig, rekado, at mga de-lata ang dumarating bawat tatlong linggo sa Malampaya kasabay ng pagkolekta nito ng mga basurang naipon na inililipat sa isang onshore waste facility.
Sa oras na off-duty na ang mga empleyado, syempre’y maaari na silang magpahinga at mag-enjoy. Ang bawat kwarto’y may dalawang bunk beds, cabled TV at palikuran. Hindi lang ‘yun dahil may magagamit rin ang mga laundry service, gym, at WiFi. Sa pagsapit ng alas-tres ng hapon, ang mga empleyado ay may 15 minutong break para kumain, uminom ng kape o di naman kaya’y maglaro ng billiards.
Halos lahat ng mga empleyado ay Pilipino.
“Kapag nag-shut down ang Malampaya, malaki ang impact sa economy,” sabi ni Engr. Barcebal. “Tayong mga Pilipino, maaapektuhan, kaya ganoon na lamang ang pag-iingat namin dito. Masaya naman ako na gumagaan ang responsibilidad ko dahil magagaling ang mga tao rito.” pagmamalaki pa niya.