Ni: Melody Nuñez
NAKATAKDANG magbukas muli ang Isla ng Boracay sa Oktubre 26 matapos ang anim na buwang rehabilitasyon nito.
Ngunit nakahanda na nga ba itong tumanggap ng libu-libong turista?
Isang linggo na lamang ang nalalabi bago magbukas ang world-famous tourist destination ngunit maraming bahagi pa rin sa naturang isla ay sumailalim pa sa road construction at malayo ito sa katotohanang matapos bago ang muling pagbukas nito.
Kung titingnan ang main road matatagpuan ang magkabilaang hukay habang inihandang iluklok ang malalaking drain pipes sa lugar.
Nariyan ang maiingay na jackhammer na bumabasag sa konkretong daan para sa karagdagang road improvements ng isla.
Nariyan din ang naglalakihang backhoes na nakatambay sa maputik na bahagi ng kalsada habang sa ibang lugar naman ay hindi maaaring madaanan dahil sa malawakang paghuhukay.
Unti-unti na ring bumalik sa dating kagandahan ang karagatan sa dalampasigan ng isla na kung pagmamasdan mo ay mabubura sa isip ang magulo, maputik at maingay na kalsada.
Bumaba na sa below 400mpn (Most Probable Number) per 100 millimeters maximum tolerable level ang coliform levels ng white beach front ayon sa Department of Environment at sa huling pagsusuri ay hindi na ito humigit pa sa 20mpn per 100 millimeters.
Matatandaang tinawag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na cesspool ang tourism island dahil sa mataas na lebel ng coliform nito.
Sana sa ginawang pagsisikap ng pamahalaan na maibalik ang kagandahan ng isla ay mas lalong magkaroon ng disiplina ang mga mamamayan rito.
Kailangan ng mga mamamayan mula sa mga turista, manggagawa, residente na mapanatili nila ang kalinisan at kaayusan sa paligid upang patuloy na mapakinabangan ang isla habang napananatili rito ang kagandahan ng lugar.
Sa kabila ng marami pang kailangang ayusin sa isla ay nakahanda na itong tumanggap ng local at foreign tourist dahil may 25 hotels and resorts na accredited na ng Department of Tourism (DOT) at maaari nang magbukas ang mga ito sa Oktubre 26 na tinatayang may 2, 063 bilang ng mga room.
Plano rin ng lokal na pamahalaan na limitahin ang bilang ng mga papasok na mga turista sa isla. Ayon sa DENR, may kapasidad ang Boracay na makapagsuporta ng mahigit 19, 000 na turista kada araw at nasa 6, 405 lamang ang kinakailangang daily arrivals nito.
Dahil dito ay malilimita ang lebel ng polusyon at hindi makararanas ng mataas na lebel na pagbabago.
Ngunit hanggang kailan din kaya mapananatili ang ganitong patakaran sa tourism island? Sana ay hindi hanggang sa pasimula lang ngunit gawin itong batas na susundin ng mga lokal mula sa pamahalaan hanggang sa mga nasasakupan nito.