Ni: Crysalie Ann Montalbo
NALALAGAS ang ating buhok bawat oras. Marahil ay umaabot ng 100 hibla ang nalalaglag sa atin araw-araw. Subalit sa mga kalalakihan, mas marami ang mas nakakaranas ng paglalagas ng buhok na sa kalaunan ay hindi na tumutubo ulit.
Isa ang buhok sa pinakaiingatan ng mga kalalakihan dahil nagbibigay ito ng seguridad sa kanilang pisikal na anyo. Kaya’t marami ang nababahala sa ganitong klase ng sitwasyon.
Ano nga ba ang dahilan kung bakit unti-unting nakakalbo ang isang lalaki? Narito ang ilang mga kasagutan.
- Genes. Malaki ang epekto ng genes na minana mula sa ating mga magulang. Kung nakararanas ang isa sa iyong magulang ng mabilis na paglagas ng buhok, posibleng nasa lahi na ito ng inyong pamilya.
- Pagkakaroon ng sakit tulad ng anemia o problema sa thyroid. Isa sa mga nangungunang sintomas ng mga sakit na ito ay ang pagkalagas ng buhok.
- Chemotheraphy. May init na dala ang radiation sa chemotheraphy na nagiging sanhi ng paglagas ng buhok.
- Stress. Ang stress ay nagdudulot ng sakit na tinatawag na alopecia arata, isang uri ng kondisyon na nakasisira ng buhok.
- Malnutrisyon. Ang hindi pagkain sa tamang oras o kakulangan sa bitamina, protina at mineral ay nagiging sanhi ng unti-unting pagkakalaglag ng buhok.
- Medikasyon. Ang sobrang pagkonsumo sa bitamina A at bitamina D ay nakapagdudulot ng hindi magandang epekto sa iyong buhok kaya dapat lamang itong balansehin.
Upang mapanatiling makapal at maganda ang iyong buhok, ugaliing sumunod sa mga mabuting gawiin.
Iwasan ang stress at manatiling positibo sa araw-araw. Kumain ng mga pagkaing tutulong sa paglago ng buhok. Tapatan ng ehersisyo at maagang pagtulog.
Pinapayuhan din na magpatingin sa doktor kung sakaling hindi na mapigilan ang mabilis na pagkalagas ng buhok.