Ni: Kristine Joy Labadan
MALIIT man ang asong shih tzu ay may mga nakatutuwang katangian at kakaibang personalidad ito. At dahil sa mga angking katangian nito, ang shih tzu ay nasa hanay ng mga popular na toy dogs o lap dogs.
Noong 1940, ang shih tzu (ibig sabihin ay “leon” sa Mandarin Chinese) ay nagsimulang makita sa Estados Unidos nang dalhin ito ng mga beterano ng World War II.
Mahilig ito magbabad sa pool sa tag-init, o maglaro ng tagu-taguan, malikot at punong-puno ng sigla.
Ang kinagigiliwang laro o gawain ng nag-aalaga ng asong ito ay siya rin namang gustong-gusto nitong laruin.
Mabilis din matuto at sumunod ang asong ito ng mga simpleng utos katulad ng pag-upo at pananatili sa anumang posisyon maliban nga lang sa mga mas komplikadong mga utos kung kaya’t sa pag-i-ensayo ng alagang shih tzu ay dapat isaalang-alang ang pagkakaroon ng mahabang pasensya.
Ugali nila ang hindi mapanghinala, mabahala at magpakita ng pagiging mabangis na ang ibig sabihin ay hindi ito ang matapang na uri na aso.
Kapag binisita ka ng iyong mga kaibigan o di kaya’y kamag-anak, aakalain ng iyong alagang shih tzu na sila ang binibisita at hindi ikaw.
Ang pagiging palakaibigan at masiglahin ay tunay na nasa lahi nito hangga’t hindi ito nakakaramdam ng panganib.
Madalas din silang magpakita ng paglalambing sa mga tao kaya masarap kasama ang shih tzu kaya maganda silang kasama hindi lamang ng mga bata kundi ng buong pamilya. Dahil sa pagiging malambing, magaling din silang kasama ng mga matatanda.