Ni: Quincy Joel Cahilig
PATULOY ang pagtindi ng tensyon sa pagitan ng US at China, at ang umiinit na girian ng dalawang makapangyarihang bansa ay ramdam na ramdam na sa West Philippine Sea (South China Sea), na pinangangambahan ng ilan na maaring humantong sa isang military confrontation.
Sa ngayon, ang ekonomiya ng China ang isa sa pinakamabilis ang paglago sa mga developing economy sa buong mundo. Ito ang pinakamalaking exporter ng mga produkto at serbisyo sa mga first world countries tulad ng Amerika at patuloy din ang pagdami ng foreign direct investments nito. Kaya tinatagurian ngayon na “next most powerful economy of the world” ang bansang minsan nang tinaguriang “sleeping giant.”
Kasabay ng paglago ng ekonomiya ng China ay ang paglakas din ng kakayahang militar, na siyang ipinapakita sa pambu-bully at pag-angkin sa mga bahagi ng South China Sea na sakop ng teritoryo ng iba’t-ibang mga bansa sa Southeast Asia, tulad ng Malaysia, Indonesia, Vietnam, at Pilipinas.
Bagama’t nakamit ng Pilipinas ang landmark victory sa international tribunal noong 2016, kung saan idineklara ng korte na hindi valid ang nine-dash line claim ng China na batayan nito sa pag-angkin sa West Philippine Sea at sa mga yamang taglay nito, naging agresibo pa rin ang China sa militarisasyon doon— bagay na lubhang nakaapekto sa kabuhayan ng maraming lokal na mangingisda, na napaulat na itinataboy at hina-harass ng Chinese navy.
Tila bantulot din ang Duterte administration sa pagsusulong ng karapatan ng Pinas sa pinagtatalunang teritoryo, sa katwirang umiiwas ito sa pagkakaroon ng giyera laban sa China, na itinuturing ni Pangulong Duterte bilang “kaibigan.” Ito ay sa kabila ng paninindigan at mga hakbang ng mga karatig bansa natin kontra sa pambu-bully ng China. Kamakailan nga ay pumasok sa isang kasunduan ang Vietnam at Japan para isulong ang kanilang seguridad sa pinagtatalunang teritoryo.
Ang pagtatayo ng base militar ng China sa South China Sea ay di lamang nakakaapekto sa Pilipinas kundi maging sa iba pang mga bansa dahil nililimitahan nito ang kalayaan sa paglalayag sa naturang rehiyon.
Nakatakdang magsagawa ng military exercise sa South China Sea ang U.S. Navy para isulong ang freedom of navigation. Nguni’t di ito lalahukan ng Pilipinas.
SINDAKAN SA KARAGATAN
Sa ilalim ng administrasyon ni President Donald Trump, minabuting paigtingin ng US ang military activities nito sa South China Sea sa pamamagitan ng pagpapalipad ng B-52s na may kakayahang maglulan ng nuclear weapons. Ipinahihiwatig lang ng Amerika sa China na walang kaduda-duda na sila pa rin ang pinaka makapangyarihang bansa sa buong mundo, at pagtulong din sa mga kaalyado nito sa Asya.
At kamakailan ay umigting pa ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa nang muntik nang magka-banggaan sa bandang Graven Reef ang isang Chinese destroyer at ang USS Decatur, na nagsasagawa ng freedom of navigation operation.
Ikinagalit ng China ang insidente at tinawag na “provocative.” Kaya naman nagbitaw ng pahayag ang isang Chinese air force spokesman na naglagay na sila ng nuclear-capable bombers sa Woody Island para palakasin ang kanilang kakayahan na makapagsagawa ng air strikes sa lahat ng direksyon, “as well as preparation for the battle for the South China Sea.”
Tugon naman ni US Vice-President Mike Pence, hindi pasisindak ang Amerika, kasabay ang pagmamatigas, tuloy pa rin ang pagpapararamdam ng pwersa ng US sa pinagtatalunang karagatan.
“Despite such reckless harassment, the United States Navy will continue to fly, sail and operate wherever international law allows and our national interests demand. We will not be intimidated. We will not stand down,” pahayag ni Pence.
Bukod sa di-pagkakasundo sa South China Sea, mayroong umiiral na trade war sa pagitan ng US at China, kung saan nagpataw ng mga tariff sa kanilang palitan ng mga produkto. Bahagi umano ito ng kampanya ni Trump sa paglutas sa “longtime abuse of the broken international system and unfair practices” ng China.
DUTERTE, KUMABIG SA CHINA
Sa gitna ng giriang ito ng dalawang makapangyarihang bansa, ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi lalahok ang Pilipinas sa isasagawang military exercises ng US sa South China Sea, na sasabay ang naturang naval drills sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa Maynila sa Nobyembre.
“The President said that we will not take part in that military exercise,” pahayag ng Malakanyang.
Ayon sa report, nakatakdang magsagawa ang US Navy Pacific Fleet ng military exercises sa South China Sea at dadalhin nito ang mga barko at eroplanong pandigma nito sa bahagi ng Taiwan Strait, na malapit sa teritoryo ng China, upang isulong ang “right of free passage in international waters.”
Sa kabila nito, para sa ilang eksperto, ang girian ng US at China ay hindi lamang tungkol sa usapin ng “freedom of navigation” at militarisasyon ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo. Ito ay bahagi ng tunggalian ng isang nagpataw ng mga tariff laban sa most powerful nation in the world na may kinalaman sa pulitika, economiya, kultura, at imahe. Isa itong labanan para sa kontrol sa nasabing rehiyon, alinsunod sa kani-kaniyang interes, kung saan ang mananalo ay magkakaroon ng mas malaking impluwensya sa maraming bansa sa mundo.