Ni: Dennis Blanco
SADYANG napakabilis ng panahon. Ngayong Nobyembre 1 ay muli na namang gugunitain ng sambayang Pilipino ang undas, isang pagkakataon na muling alalahanin at ipanalangin ng mga naiwan ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito rin ay panahon kung kailan ang mga pamilya ay muling nagtatagpo upang ipahayag ang kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng sama-samang pagdarasal at paggunita sa mga mahal sa buhay, pagmamahal na hindi nagtatapos dito sa mundong ibabaw, sa halip ay hanggang sa kabilang buhay.
Naaalala ko tuloy ang animated film na Coco na sumasalamin sa ganitong kaisipan. Ito ay tungkol sa isang batang lalaki na sa di inaasahang pangyayari ay nakatawid sa mundo ng mga patay kung saan natuklasan niya na ang kanyang mga mahal sa buhay at ang mga patay ay muling nakakabalik at nakakatawid sa mundo ng mga buhay tuwing undas kung mayroong nakakaalala o nagdarasal para sa kanilang kaligtasan at kaluwalhatian.
Sa pagkakataong wala nang nakakaalala sa kanila at nagdarasal para sa kaligtasan ng kanilang kaluluwa, ay pipigilan at pagbabawalan na sila ng mga nagbabantay o mga guwardiya na tumawid mula sa mundo ng mga patay patungo sa mundo ng mga buhay. Sinasapit din ng mga nilalang sa mundo ng mga patay ang sinasabing “ikalawang pagkamatay” kung saan sila ay nanghihina at namamatay kapag wala nang nakakaalala sa kanila.
Kung kaya’t napakahalaga ng undas bilang bahagi ng tradisyon at pananampalataya ng pamilyang Pilipino. Sa ganitong okasyon, ay naipapapahayag natin ang isang pananampalataya na bagama’t ang ating mga mahal sa buhay ay pumanaw na, ay hindi pa rin nagtatapos ang kaugnayan at pakikiisa natin sa kanila. Makabuluhan ang undas sa bawat pamilya dahil ipinaaalala nito na balang araw ay muli silang magkakatipon-tipon ng kanilang mga mahal sa buhay sa muling pagkabuhay at sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan.
Subali’t minsan nakakaligtaan natin ang tunay na kahulugan ng undas na kung saan ginagawang parang palaruan, picnic, sugalan o piyesta ito na nakatuon sa sama-samang pagdiriwang at pagsasaya ng pamilya. Hindi naman sa hinuhusgahan natin ang mga ganitong mga kalakaran, subalit mahalagang mapagtanto natin na ang sentro sa paggunita ng undas ay mga mahal natin sa buhay na nangangailangan ng ating masidhing pag-alaala at panalangin para sa ikaliligtas ng kanilang kaluluwa upang lubusang makapiling nila ang Panginoon. Ito ay ganap na maisasakatuparan lamang kung mayroong kapayapaan na nananahan sa ating mga puso’t isipan sa panahon ng undas.
Bukod dito, ang undas ay isa ring panahon kung kailan muling nabubuo at nagkikita ang magkaka-pamilya, na tila pinaghiwalay ng panahon, lugar, trabaho at pagkakataon. Kaya’t ito rin ay isang okasyon para maibahagi natin ang ating pakikiisa sa iba pang pamilyang Pilipino, bilang pagtugon sa hamon sa pamayanang Pilipino na umasa sa pananampalataya na nakasalig sa muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan.