Ni: Melody Nunez
KARAMIHAN sa mga Pilipino ay naniniwalang nasa tamang direksyon ang bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nangangahulugan ito na marami pa ring mga Pilipino ang tiwala sa programa at polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mataas ang suporta ng mga tao halimbawa na lamang sa anti-drug campaign ng pangulo sa kabila ng mga pagpuna nito ng mga nasa oposisyon at mga international human rights organization.
Ayon nga sa pagdepensa ni Duterte sa kanyang war on drug —mas pinangalagaan niya ang buhay ng tao kaysa karapatan ng tao.
Ang pagtigil sa korupsyon sa pamahalaan ay isa rin sa mga dahilang iginiit ng pangulo. Ngunit aniya, hindi rin maiwasan na may mga hindi mapagkatiwalaang mga opisyal ng pamahalaan.
Kagaya na lamang sa nakalusot na shabu shipment sa Bureau of Customs na unang napaulat na nagkakahalaga ng P6.4 billion ngunit sa huli ay umabot sa P11 billion sa muling pagtimbang sa walang laman na magnetic lifters.
Lumabas na 1.6 tonelada ang deperensya ng mga walang lamang magnetic lifters kumpara sa timbang na nakalagay sa bill of lading nang dumating ang kargamento sa bansa.
Hindi ba napakatinding kabiguan ito sa panig ng Customs? Bakit sila nalusutan ng ganitong kalaking shipment ng shabu? At, higit pang nakakabahala, ang pabago-bagong deklarasyon sa halaga ng naturang shipment?
Hindi na maitatago o maipagkakaila ang talamak na kurapsyon sa mga ahensya ng pamahalaan partikular na sa Customs.
Dahil dito ay bumaba na ang halaga ng bawat gramo ng shabu mula sa P6,800 noong Hulyo ay nasa P1,400 nalang ito. Sa ngayon, may over supply ng droga sa bansa. Sobrang tindi na talaga ang problema sa droga.
Nakakalungkot isipin na kung gaano kahigpit ang kampanya laban sa droga at korupsyon ganun din ito kalala.
Sa kabila nito, pursigido pa rin ang Pangulo na guminhawa ang buhay ng tao kaya naman ay nais niyang putulin na rin ang red tape sa burukrasya —isa rin sa ugat ng korupsyon sa bansa —sa pamamagitan ng mabilisang pagpasa sa Ease of Doing Business Act. Inatasan ng Pangulo ang mga ahensya ng gobyerno na gawing simple ang proseso ng pagkuha ng mga permit at pagsumite ng mga papeles para sa mga lahat na nais magnegosyo sa bansa, maliit man o malaking kumpanya.
Marami pang nais na maipatupad ang Pangulo para sa ikabubuti ng bansa kagaya ng pagiging bukas sa third telco upang mas mapabilis ang internet sa bansa, kampanya laban sa terorismo, Bangsamoro Organic Law, at marami pang iba.
Kahit papano ay isang inspirasyon para kay Duterte na malaman na malaki pa rin ang tiwala ng mga Pilipino sa kanyang administrasyon upang mas lalong maging pursigido pa ang Pangulo maging ng mga opisyal ng gobyerno na gampanan ng mabuti ang kanilang papel bilang tagapagserbisyo sa publiko.