Ni: Edmund C. Gallanosa
MARAMI ang nagsasabi mahirap daw ang buhay sa tabing-dagat. Mahirap ang panahon, laging may panganib sa buhay. Mahirap ang pera, mahirap din ang pagkain. Subalit kung mapamaraan ka, at alam mo ang hahanapin mo, tiyak hindi ka magugutom.
Sa mga kababayan natin may ‘pihikan’ na panlasa—mga naghahanap ng kakaiba sa normal na niluluto natin, maraming yaman ang dagat na ang karamihan sa atin na hindi alam, na puwedeng lutuin, at masarap kainin.
May mga lamang dagat na ‘kadiri’ sa unang dating o hindi kaaya-ayang kainin, subalit, puwede pala at malinis, masarap kainin. Maaari pa itong kaining ‘hilaw’ o kikilawin lamang, ibababad sa suka at titimplahan lamang sibuyas, bawang at luya, ulam na! Sa ibang probinsya sa Pilipinas ang mga babanggitin natin ay hindi lamang kinukunsidera na ‘exotic food’, ito ay karaniwan na ulam lamang. Subalit sa atin, lalo na sa mga ‘first timer’ pa lamang, kakaiba talaga ang dating.
Mantis Shrimp o Mamimitik. Kilala sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas bilang tatampal, mamimitik o sa tagalog version nito na ‘alupihang dagat’, hindi ito tunay na ‘alupihan’ o ‘mantis’ man lang, ito ay isang crustacean at kalahi ng mga alimango, sugpo, hipon o crayfish. Kaiingat sa paghawak nito sapagkat ito ay mga ugaling namimitik—itinutupi nito ang babang bahagi ng katawan niyang gagamitin sa pagpitik, ito rin ang ginagamit na bilang ‘hunting weapon’ niya kung kaya nabansagan bilang ‘mamimitik.’ Masakit ang tamaan nito, sa katunayan, may ilang beses nang nakakabasag ng salamin ang mga mantis shrimp kapag nilalagay sila sa manipis na aquarium.
Tinatawag na ‘poor man’s lobster’ sapagkat ‘di hamak na mas mura ito sa mga lobster o ulang, halos magkamukha ang dalawa at naiiba lamang dahil may sipit ang mga lobster at ang mantis shrimp naman ay wala, maliban sa mukhang inunat na ulang ang mga ito. Medyo matabang ang laman nito kumpara sa mga lobster kaya marahil mas mura ito sa mga pamillihan.
Ang madalas na luto sa mga mantis shrimp ay deep fried o pinirito. Saka sasahugan na lamang ng mga pampalasa para lumabas ang sarap nito. Ang normal na laki ng mga mantis shrimp ay mula 4-7 pulgada at ang iba naman ay lumalaki ng hanggang isang ruler o 12 pulgada ang haba.
Bulaso o Mangrove Lobster. Ang mangrove lobster naman ay animong cross breed ng lobster sa mantis shrimp. Mahaba ang lower portion nito na parang mamimitik pero may mga sipit na parang lobster. Hindi katulad ng mga lobster at mantis shrimp na makikita sa ilalim ng karagatan, ang mga mangrove lobster o mas kilala sa local name nitong ‘bulaso’ ay makikita sa mga mangrove o bakawan, na naghuhukay ng mga lungga nila sa putikan. Hindi madaling makakita ng mga bulaso. Sapagkat ‘nocturnal’ ang mga ito, tila tulog sa umaga at aktibo sa gabi.
Kung paghahambingin ang lasa nito kumpara sa lobster at mamimitik, mas matabang ang laman nito kumpara sa dalawa, mas masarap nang ‘di hamak ang mamimitik, siyempre primera klase pa rin ang lasa ng lobster kumpara sa tatlo. Pinirito o deep fried din ang magandang luto dito para lumabas ang sarap ng laman nito. Marami ang mga bulaso lalo na sa mga bakawan ng Polilo sa Quezon.
Ang Tamilok. Ang tamilok ang isa sa kilalang ‘exotic food’ sa Palawan ngayon. Mga animo’y uod na nakukuha sa mga nangamatay na kahoy sa mga bakawan sa tabing dagat. Dahil sa popularidad nito, may mga ilang restawran sa Palawan ang naghahain na ng tamilok kabilang sa kanilang menu bilang ‘special order’.
Kinilaw o binabad sa sukang ginayatan ng sibuyas, bawang at luya ang madalas na preparasyon sa mga tamilok, puwede rin itong i-adobo. Malambot ang laman nito na animo’y parang talaba ang dating ng lasa at texture nito. Tunay ngang kakaiba ang mga tamilok! Para sa akin, it’s a must na subukan ang tamilok ng Palawan!
Tamilok ng Dagat. Sa Mindanao naman matatagpuan ang mga naglalakihan o higanteng tamilok, lalo na sa probinsya ng Sultan Kudarat. Ang pagkakaiba nito sa tamilok ng Palawan ay nakukuha ito sa ilalim ng dagat, mayroon itong ‘outer shell’ na parang mga sibat ang itsura, kulay itim ito kumpara sa puti na nakukuha sa bakawan ng Palawan, at lumalaki ito hanggang isang dipa ang haba.
Sa katunayan, kaya marahil marami ang nangdidiring subukan ang mga tamilok ay dahil ang akala ng madla, tunay itong mga uod. Ang mga tamilok po ay mga mollusk, o kapamilya ng mga pusit, kuhol, at talaba. Kaya ang tamilok po ay sinlasa ng mga talaba o tahong na hilaw.
Sisi o Rock Oyster. Ang sisi naman o rock oyster sa ingles ay isang uri ng talaba subalit kasinlahi lamang ng mga tulya, Nakadikit ito sa mga batuhan tulad ng mga tahong, wild itong nakakalat sa mga batuhan at ito ay isa sa panglunahing produkto ng mga taga-Zumarraga sa Samar. Sa katunayan, may isang samahan ng mga kababaihan sa Samar na ang misyon ay manguha ng mga sisi bilang hanap-buhay at ibinebenta ito at tunay naman na dinarayo ng hindi lamang mga lokal na patron pati na rin ng mga turista.
Kinilaw, o tinola ang karaniwang na luto dito, mayroon din silang tinatawag na ‘baduya’ ang tirada, parang okoi ang preparasyon, niluluto balot sa arina, na may luya, bawang at young onion.
Sea Urchin. Delikado ‘pag natapakan o nakapitan, subalit ngayon, hinahanap-hanap kapag iyong natikman. Ito ang sea urchin, kilala bilang tuyom, tayom, tiyok, swaki, kuden-kuden at maritangtang. Tikman itong raw o hilaw para malasahang maigi ang sarap ng laman nito. Ang laman na manila-nilaw lamang ang pwedeng kainin sa tuyom, at ibayong ingat ang pagbubukas dito. Manamis-namis ang lasa ng laman nito na maihahantulad sa pinaghalong caviar at talaba, at ang texture ay parang taba ng bangus.
Garantisadong masarap ang mga ito, at bakit ko po alam? Sapagkat ang bawat isa nito, ay personal ko na pong natikman. Kaya’t tikim na!
Halongbaytourism:
Tinatawag na ‘poor man’s lobster’ ang Mantis Shrimp sapagkat ‘di hamak na mas mura ito sa mga lobster o ulang, halos magkamukha ang dalawa at naiiba lamang dahil may sipit ang mga lobster at ang mantis shrimp naman ay wala, maliban sa mukhang inunat na ulang ang mga ito. Medyo matabang ang laman nito kumpara sa mga lobster kaya marahil mas mura ito sa mga pamillihan.
activityfan:
Ang mangrove lobster naman ay animong cross breed ng lobster sa mantis shrimp. Mahaba ang lower portion nito na parang mamimitik pero may mga sipit na parang lobster. Hindi katulad ng mga lobster at mantis shrimp na makikita sa ilalim ng karagatan, ang mga mangrove lobster o mas kilala sa local name nitong ‘bulaso’ ay makikita sa mga mangrove o bakawan, na naghuhukay ng mga lungga nila sa putikan.
morefuninpuertoprincesa:
Ang tamilok ang isa sa kilalang ‘exotic food’ sa Palawan ngayon. Mga animo’y uod na nakukuha sa mga nangamatay na kahoy sa mga bakawan sa tabing dagat. Dahil sa popularidad nito, may mga ilang restawran sa Palawan ang naghahain na ng tamilok kabilang sa kanilang menu bilang ‘special order.’
bfblogger:
Delikado ‘pag natapakan o nakapitan, subalit ngayon, hinahanap-hanap kapag iyong natikman. Ito ang sea urchin, kilala bilang tuyom, tayom, tiyok, swaki, kuden-kuden at maritangtang. Manamis-namis ang lasa ng laman nito na maihahantulad sa pinaghalong caviar at talaba, at ang texture ay parang taba ng bangus.
Nytimes:
Delikado ‘pag natapakan o nakapitan, subalit ngayon, hinahanap-hanap kapag iyong natikman. Ito ang sea urchin, kilala bilang tuyom, tayom, tiyok, swaki, kuden-kuden at maritangtang. Manamis-namis ang lasa ng laman nito na maihahantulad sa pinaghalong caviar at talaba, at ang texture ay parang taba ng bangus.