KARAMIHAN sa mga nagta-trabaho sa ibang bansa ay nakakaranas ng homesickness. Ngunit maraming paraan upang maibsan ito.
Ni: Vick Aquino Tanes
ALAM n’yo bang ang pagiging homesick ang isa sa pinakakaraniwan at pinakamahirap labanan ng mga taong nangingibang bansa upang magtrabaho. Ito ay lubos na mahirap sa umpisa ngunit nakakasanayan na rin habang tumatagal dahil kailangan para sa kinabukasan ng pamilya.
“I Miss my family,” ito palagi ang sambit ng mga nangungulila para sa kanilang pamilya habang binubuo ang kadalasang mahirap na trabaho sa loob ng mahabang oras araw-araw. Matiisin talaga ang mga kababayan natin lalo na’t kung ang pagtityaga ay para sa ikabubuti ng pamilyang naiwanan.
Mahirap talaga tumira sa malayo at kakaibang lugar lalo na’t walang kasamang kapamilya o kamag-anak. Halos araw-araw nalungkot at minsan pa ay hindi makakain ang nangingibang bansa.
Homesickness ang pinakamabigat na kalaban ng isang OFW.
Ang pangunahing dahilan na nagbubunsod sa mga Pinoy na iwanan pansamantala ang pamilya ay ang tawag ng pangangailangan — ang mapabuti ang buhay ng kanilang mga mahal sa buhay.
At, naroon din ang pansariling layunin — ang makilala ang tunay na kakayahan kaya sa ibang bansa naghanap ng trabaho dahil posibleng hindi makita sa sariling bansa ang nais na trabaho na hahamon sa kanyang kakayahan at magbubukas ng oportunidad para sa kanya.
Bukod sa dalawang dahilang nabanggit, mas malaki rin ang kita sa ibang bansa kaya nagtitiyaga ang isang OFW na makipagsapalaran at malayo sa pamilya.
At kahit na madalas matindi ang homesickness lalo na sa mga okasyong nakasanayan na kasama ang pamilya, nagtitiis ang OFW dahil kailangan magsakrapisyo para sa ikakaganda ng kanilang buhay at ikauunlad ng kanilang pamilya.
Noong mga nakaraang panahon, matinding iyakan at drama kapag naghahatid ng mangingibang bansa. Nariyan din ang paggasta ng malaki sa pagtawag ng long distance para lang marinig ang boses ng mahal sa buhay. Kung walang gagastusin para dito, nauso rin noon ang pagpapadala ng voice tapes sa casette na nilalakip sa mga liham sa mga kaanak at kaibigan.
Ngunit iba na ang panahon ngayon, marami ng gadgets, may internet na, computers kaya madali nang makausap ang mga mahal sa buhay na nasa malayong lugar. Puwede pa nga kahit oras oras ay makakausap sila dahil na rin sa teknolohiya.
Sa kabilang banda, hindi maikakaila na nag-se-set in pa rin ang matinding homesickness sa mga OFW. Narito ang mga tips upang malabanan ang homesickness:
Maging busy sa labas ng trabaho. Kapag abala ang isang tao sa mga gawaing nagpapasaya at nagagamit ang mga angking talino sa mga oras sa labas ng trabaho, pansamantalang nawawaksi ang lungkot. Maraming hobby na pwedeng bigyang laya na hindi gumagasta ng malaki at magagawa sa pribadong oras. Tuklasin ito. marahil noong iyong kabataan, nahilig ka sa pagtugtog ng gitara o sa pagpipinta o kaya naman ang paggawa ng mga munting bagay na maaaring pagkakitaan, mga crafts na magagamit pang araw’araw. Pansamantala, mawawaksi ang kalungkutan at magaan ang loob na makababalik kinabukasan sa trabahong mabigat at nakakaburyong. Marahil narinig niyo ang ganitong payo: mag-trabaho hanggang mapagod para mawalan ng oras sa kakaisip tungkol sa pamilyang nasa malayo. Pero, teka muna. Hindi ibig sabihin nito magpakapagod sa walang kabuluhang gawain.
Bigyang daan ang sarili na mamasyal kapag day’off. Hindi kailangang magpakahirap na lamang sa trabaho, mag relax ka rin. Tiyak naman na may day off ang trabaho mo kaya give yourself time to pursue your hobbies o maglakbay sa karatig na siyudad o mag-explore sa iyong paligid. Bigyan ng pansin ang bansa na inyong pinagtatrabahuhan. Subukang i-explore ang mismong lugar na pinagtatrabahuan. Parang nag-aral ka na rin ng geography. At paalala lamang: hindi kailangang gumastos ng malaki sa mga pagkakataong ito. Maging creative lamang sa pagplano ng iyong “timeout days.”
Makisali sa Filipino community. Makisalamuha sa mga kapwa Pinoy. Isa itong mabisang paraan para ikaw ay magkaroon ng kausap. Maaari rin sila magbigay ng payo tungkol sa kung paano ang pamumuhay sa dayuhang bansa. Ngunit, ‘wag din kalimutan na bigyan ng tamang limitasyon ang hakbang na ito. Ilagay lamang sa lugar ang pakikitungo sa bawat isa at nang hindi mapahamak o mapasali sa hidwaan na karaniwang nagaganap.
Be friendly. Tandaan, ikaw ay dahuyan sa ibang bansa kaya dapat na pairalin ang pagiging friendly dahil baka mapag-interesan ka dyan dahil masungit ka. Ito rin ay may kalakip na paalala. Ang pagiging mapagkaibigan ay nakakatulong upang paglabanan ang homesickness ngunit dapat lubos na pagkaingatan. Huwag maging naive or inosente sa pagpili ng kaibigan at nang di malagay sa alanganin.
Pray first. Kailangang magdasal. Pagpapasalamat unang-una sa mga biyaya sa araw-araw at paghingi ng kalinga at gabay. Mainam na hanapin ang mga simbahan na malapit na pinagtatrabahuan. Nakapasyal ka na, nakasimba ka pa at napanatag ang nangungulilang puso.