Ni Edmund C. Gallanosa
MAGANDANG tanawin, masarap pasyalan, challenging akyatin. Ilan lamang sa masasabi natin sa mga kabundukan sa Pilipinas. Maliban sa napapaligiran tayo ng karagatan, bulkan at libu-libong isla, mayaman din ang Pilipinas sa magagandang bundok.
Ang mga tao ay sumusubok umakyat para mag-ehersisyo. Ang iba naman para malasin ang angking kagandahan sa paligid mula sa taas. Ang iba, para tumuklas ng ilang mga bagay-bagay na maaaring matagpuan dito. Subalit alam ba ninyo na apat sa pinaka-tanyag na bundok sa ating bansa ay nababalot sa misteryo? Sumikat sila hindi lamang dahil sa ganda pati na rin sa mga kababalaghang taglay nito. Nais ba ninyong diskubrihin ang mga bundok na ito at maghanap ng kakaiba? Alamin alin-aling bundok ang may kababalaghang naka-abang sa inyo.
Mount Makiling. Pinaka-sikat na bundok sa Pilipinas, marahil marami sa mga bagong henerasyon ang hindi nakakaalam kung ano ang misteryong bumabalot dito at bakit pinangalanan ang bundok ng Makiling.
Ang bundok ay ipinangalan kay Mariang Makiling. Si Mariang Makiling ay isang diwata, kilala rin sa pangalang Dayang Masalanta—tagapag-alaga ng kabundukan. Dati siyang pinaniniwalaang kahalubilo ng mga ordinaryong tao, hanggang siya ay pagtaksilan ng kaniyang minahal na lalaki, at habang-buhay na siyang nanirahan sa bundok at hindi na nagpakita kailanpaman. Binibigyan niya ng sumpa at kamalasan ang sinumang lalapastangan sa mga puno at hayop dito. Sinasabi ang hugis ng bundok Makiling ay hugis ng nakahigang si Mariang Makiling.
Mount Banahaw. Ang sagradong bundok Banahaw ay ang pinaka-mataas na bundok sa rehiyong CALABARZON, at nasa pagitan ng Quezon at Laguna. Mapaghimala, at pinagkukunan ng spiritwal na lakas ng mga esperitista, mga kulto at ilang indibidwal. Ayon kay Apo Juana, isang ‘faith healer’ na kilala sa lalawigan ng Rizal, kasama sa paniwalang nakakagaling ang bundok Banahaw kung bakit taon-taon na lamang ay umaakyat siya rito. Banggit ng 62-anyos na manggagamot, tuwing sasapit ang mahal na araw, inaakyat nila ang bundok kasama ang ilang deboto bilang panata nila sa kanilang mga sarili.
Marami ang mga yungib, bukal at sapa na ikinukunsidera bilang mapaghimala. Sa mga hindi rumirespeto sa kaniya, marami ang pinaniniwalaang naliligaw dito at napapahamak, minsan ay ikinasasawi pa nila nang wala sa oras.
Mount Cristobal. Kung ang Mt. Banahaw ay kilalang isang ‘holy mountain,’ ang Mt. Cristobal naman ang sinasabing ‘devil’s mountain.’ Pinagpupugaran ng masasamang elemento tulad ng ‘tumao,’ isang mala-Big Foot na nilalang na naririnig sa bundok at gumagawa ng kakaibang ingay sa bundok. Makailang beses na raw itong namamataan subalit naglalaho rin sakaling subukan itong kunan ng larawan o sundan.
Ayon kay Harold Inocencio, isang local historian at dating mangangaso, Ibang-iba raw ang ‘aura’ ng bundok na ito. “Engkanto at mga laman-lupa ang kinakatakutan sa Cristobal. Minsan maliliit at meron ding malaki—ung tumao na tinatawag. Tumanda na kami sa pangangahoy at pangangaso diyan may nagpapakita talaga. Makapal ang kahoy diyan, mag-delirio ka sa hirap ng akyat at parang may humahawak sa paa mo na hindi mo nakikita,” tugon ni Mang Harold. Tanda din ni Ka Noli, kaibigan ni Mang Harold na nakakakita siya ng mga malalaking sanga na animo’y sinakyan at nabali ng pagkalaki-laking tao. “Takot kami diyan—parang may nakabantay lagi,” ani Ka Noli.
Alam din ng matatanda ang pinaka-popular na kwento hinggil sa mag-asawang namatay sa bundok nang magkamali sila sa kanilang tinahak na direksyon at nahulog sa isang burol. Mula noon, lumilitaw ang mag-asawang namatay upang akitin ang ibang umaakyat sa bundok papunta sa lugar kung saan sila binawian ng buhay.
Mount Maculot. Tanyag ang bundok na ito dahil sa isang bahagi nito na may mataas na rock wall na kinasanayan nang tawaging The Rockies. Matatagpuan ang bundok ng Maculot sa Cuenca, Batangas. Isa ito sa sikat na palipasang akyatin ng mga tao at may magandang tanawin kaharap ang Taal Lake at ang bulkan nito.
Pinaka-kilalang istorya sa Mt. Maculot ang isang babaeng nagmumulto, kilala bilang Maricar. Pinaniniwalaang namatay siya sa lugar kung saan matatagpuan ang the Rockies. Ayon kay Basil Torres, isang tour guide at mountaineer sa naturang lugar, nahulog ang kawawang babae sa batong ito at lumipas ang panahon, naririnig ang kaniyang boses na umaalingawngaw di-umano sa bundok. Maraming nangahas na matulog sa bundok ang nagsasabing naririnig nila ang sigaw ni Maricar na bumabasag sa katahimikan ng gabi, at minsan pa’y namamataan ang kaniyang kaluluwa. Mayroon ding karanasan ang ilang umakyat dito at nagtigil sa gabi na nakakaramdam sila na para bang may umaaligid sa kanilang mga tulugan na animo’y isang malaking nilalang na hindi magpapatulog sa inyo sa kahabaan ng gabi sapagkat nararamdaman na paikot-ikot ito sa lugar ng inyong tinutulugan. Mainam aniya mag-alay ng manok sa mga ‘hindi nakikita’ at laging magpasintabi, para hindi makaranas ng kakaiba.
Ano man ang mga misteryong bumabalot sa mga kabundukang ito, hindi ba kapanabik-nabik na subukang alamin ang katotohanan hinggil dito? May mararamdaman ka kaya sa pag-akyat sa mga bundok na ito? Dala ba ito ng malikot na imahinasyon lamang? Kathang isip lang kaya ang mga ito? Bakit hindi ninyo subukan at magkaalaman? Mag-ingat sa paglalakbay subalit higit sa lahat, huwag kalimutang mag-enjoy!