SINA Pangulong Rodrigo Duterte at PCOO Secretary Martin Andanar.
Ni: Quincy Joel Cahilig
KAAKIBAT ng isang demokratikong gobyerno ang kalayaan sa pamamahayag. Kasama sa karapatan na ito na ginagarantiya ng Saligang-Batas ang kalayaan ng mga kawani ng media na maisagawa ang kanilang tungkulin sa bayan, na magbigay ng tama at napapanahong impormasyon, na batayan ng desisyon ng bawa’t Pilipino.
Subali’t paano masasabing may freedom of the press kung may peligrong nakaamba sa buhay ng mga mamamahayag?
Tinaguriang “Most dangerous country in Asia for journalists” ang Pilipinas sa isang pag-aaral ng Reporters Without Borders, isang international press organization na nagsusulong ng freedom of information and freedom of the press. Ayon dito, buhat pa sa simula ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte, siyam na mamamahayag na ang napaslang.
Batay naman sa tally ng Philippine Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), nasa 85 ang attacks sa media sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Kabilang dito ang pagpaslang, death threats, at tangkang pagpatay sa mga miyembro ng press.
Mula 1992, nasa 139 na journo na ang napaslang sa Pilipinas. Kasama sa bilang ang malagim na Ampatuan Massacre noong November 23, 2009, kungsaan 32 na mamamahayag ang pinatay sa loob ng isang araw. Hanggang ngayon ay sumisigaw pa rin ng katarungan ang naiwang mga mahal sa buhay ng mga biktima.
HANDBOOK on Personal Security Measures for Media Practitioners.
PTFoMS: KASANGGA NG MEDIA
Ang mga hamong ito sa kalayaan ng media sa bansa ang nagtulak kay Pangulong Duterte na itatag ang isang inter-agency task force na mangangalaga sa seguridad ng mga media practitioner at tututok sa mga kaso ng media attacks. Ito ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoM).
Ang PTFoM ay pinamumunuan ng mga secretary ng Department of Justice (DOJ) at Presidential Communiciations Operations Office (PCOO). Kasama nila sa grupo ang iba’t-ibang secretary ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Interior and Local Government, Department of National Defense, Office of the Solicitor-General, at Presidential and Human Rights Committee at ang mga hepe ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Tumatayo naman bilang observers at resource persons ang chairman ng Commission on Human Rights, ang Ombudsman, mga pinuno ng mga media organization tulad ng National Press Club, National Union of Journalists of the Philippines, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, Publishers Association of the Philippines, at Philippine Press Institute.
Layunin ng PTFoMS na tutukan ang paglutas sa mga unsolved case ng attack laban sa media, gayon din ang pagbibigay ng tulong sa mga media practitioner na nangangamba sa kanilang kaligtasan.
“Greater priority shall be given to high profile cases perpetrated during more recent years to take advantage of leads that have yet to get stale,” wika ni Duterte sa opisyal na pagbuo ng task force noong Oktubre 2016.
JUSTICE Secretary Menardo Guevarra.
MEDIA-RELATED CASES, TUTUTUKAN NG DOJ
Kamakailan, sa bisa ng isang department order, inatasan ni DOJ Secretary at PTFoMS Chairman Menardo Gueverra ang 353 prosecutors sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na pangunahan ang imbistigasyon sa mga media-related cases.
Aniya ang hakbang na ito ay patunay sa commitment ng Duterte administration na bigyang hustisya ang mga media killings at tuldukan ang karahasan.
“We will bring our enemies to justice, or we will bring justice to our enemies; either way, justice will be served,” pagtitiyak ni Guevarra.
Bukod dito, nagsasagawa rin ng mga seminar at pamimigay ng handbook on media security sa mga miyembro ng media sa iba’t-ibang rehiyon ang PTFoMS sa pangunguna ni Undersecretary Joel Egco, na isang dating media practitioner.
ISA sa mga programa ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pamimigay ng Handbook on Personal Security Measures for Media Practitioners sa pagsusulong sa kaligtasan at seguridad ng mga mamamahayag sa pagganap nila ng kanilang tungkulin.
PTFoMS, UMANI NG PAPURI
Pinuri ni European Union Ambassador to the Philippines Franz Jessen ang pagbuo ni Pangulong Duterte ng PTFoMs at tinawag itong isang mabuting hakbang upang tugunan ang iba’t-ibang isyu ng mga kawani ng media sa bansa.
“The PTFoMS is indeed a welcome development,” saad sa talumpati ni Jessen na binasa ni Enrico Strampelli, section head ng EU Delegation to the Philippines, sa isang pagpupulong para sa Philippine Plan of Action on the Safety of Journalists (PPASJ) na ginanap sa the Astoria Hotel sa Ortigas kamakailan.
“We hope it (PTFoMS) will successfully resolve many issues that continue to hound journalists and help resolve with finality the murders of journalists in the country,” wika ni Jessen.
Pinuri din ni Danish Ambassador Jan Top Christensen ang PTFoMS sa pag-buti ng ranking ng bansa sa Global Impunity Index, mula No.3 naging No. 5 ang Pilipinas, batay sa report ng Community to Protect Journalists.
Kinilala rin ni Lila Ramos-Shahani, secretary general ng Philippine National Commission for UNESCO, ang pagsusumikap ng task force na isulong ang kapakanan ng mga mamahayag sa bansa.
“They (PTFoMS) have been hard at work, reconciling the concerns of our media men and women with the work that the government is doing,” sabi ni Ramos-Shahani.
Sa isang hiwalay na okasyon, ikinatuwa naman ni PCOO Secretary Martin Andanar ang mga pagkilala sa mga magandang bunga ng PTFoMS. Tiniyak din niya na hindi matitinag ang Duterte administration sa pagsusumikap na protektahan ang mga brodkaster at journalist sa bansa.
“I’m proud to say that for the last two years, there have been improvements in the country’s environment in terms of the government making sure that our media personnel are safe,” wika ni Andanar.
“This is because of the President’s sincere and dedicated approach to journalists and his belief na kailangan talaga natin na respetuhin ang freedom of speech at freedom of the press.“