Ni: Louie C. Montemar
AYON sa UN Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), lalong lumalala ang lagay ng klima sa buong daigdig. Dahil dito kailangan na talagang kalampagin ang mga nasa kapangyarihan upang mamuno ng maayos at kumilos para pagtuunan ng pansin ang isyung ito.
Kailangan magmula sa mga pinuno ang tamang pagkilos tungo sa isang balanseng paggamit ng likas-yaman ng mundo. Kailangan ang koordinasyon at kooperasyon. Hindi maaaring magkanya-kanya na lamang tayo. May mga maka-agham na prinsipyong magandang maipaalam at mapaunawa sa lahat dahil maaring gumabay ito sa lahat tungo sa pagsasaayos ng mundo sa harap ng banta ng papalalang pagbabago ng klimang pandaigdigan.
Masusuma sa isang salita ang mga susing prinsipyong ito — PERMACULTURE.
Ano ang Permaculture? Sa paliwanag at paglalarawan ng isang grupo (https://www.permaculture.co.uk/what-is-permaculture), isa itong makabagong balangkas para sa paglikha ng mga masusuportahang pagpapaunlad o likas-kayang paraan ng pamumuhay. Ito ay isang praktikal na paraan ng pagbuo ng mga mahusay at produktibong sistema na naaayon sa mga kaalaman sa ekolohiya at maaaring magamit ng sinuman, kahit saan. Sa maingat na pag-aaral sa paraan ng paggamit ng likas-yaman—pagkain, lakas, tirahan at iba pang materyal at mga materyal na pangangailangan—maaari tayong maging mas produktibo para sa ating pagsisikap; aani tayo ng mga benepisyo para sa ating kapaligiran at ating sarili, sa ngayon at sa mga susunod na henerasyon.
Ito ang pangunahing katangian ng permaculture: ang pagdidisenyo ng isang paraan ng pamumuhay na naaayon sa kalusugan ng ekolohiya —sa ating mga kabahayan, hardin, komunidad, at negosyo. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kalikasan at pangangalaga sa lupa at sa lahat ng mga taong umaasa sa lupa upang mabuhay.
Bilang paglalarawan, sa isang bukid na pinapatakbo ayon sa permaculture, hindi basta gumagamit ng mga pestisidyo o patabang artipisyal. Ginagamit rito ang mga lokal na kaalaman sa mga halamang likas na makakatulong sa pag-iwas sa pagkalat ng peste at gumagamit naman ng composting o ang natural na pagpapabulok sa mga bagay mula sa bukid, upang lumikha ng pataba. Isa pang halimbawa, bumubuo ng sistema sa isang bukid pampermakultyur upang kolektahin at makapag-imbak ng tubig-ulan. Sa ganitong paraan, nababawasan ang gastusin sa patubig at mas natitiyak ang panggagalingan ng tubig para sa gawaing bukid.
Patuloy na dumadami ang mga interasado sa permaculture lalo na sa gawaing pambukid. Kung interesado kayo, maaari ninyong bisitahin ang website ng mga organisasyong may permaculture demo-farms, halimbawa na lamang ang sa Cabiokid, Inc. sa Cabiao, Nueva Ecija (tignan ang https://cabiokid.life/home.html o ang https://www.facebook.com/CaBIOKid/).
Hindi maaaring balewalain na lamang natin ang banta ng pagbabago ng klima. Kung nais natin itong harapin sa ating pang araw-araw na buhay, magandang alamin ang lahat tungkol sa permaculture at maging bahagi ng isang kilusang pampermakultura.