Ni: Rommel Placente
SA pakikipag-usap namin kay Marian Rivera, sinabi niya na mas hirap daw siya ngayon sa ipinagbubuntis niyang second baby nila ni Dingdong Dantes, kumpara nu’ng dinadala pa lang niya ang panganay nila na si Zia.
“Iba yung ke Zia, iba ‘yung ngayon. Siguro pag kinumpara ko, mas madali ‘yung ke Zia. Hindi ko nga alam, eh. ‘Yung ke Zia, hindi ako malakas kumain, dito, sobrang lakas kong kumain,” sabi ni Marian .
Patuloy niya, “Tapos ‘yung kay Zia, mahilig ako sa mga chocolates, sa mga candies, ngayon baligtad, gusto ko mga maaasim at maaalat. Ang mga kinakain ko, kamias, mangga, ganun. Weird nga, eh. Tapos, minsan, pag bumabyahe ako, ‘pag traffic, tapos parang ang gulo ng kalsada, nahihilo at nasusuka ako.”
NAGLILIHI SA KAMIAS
Sa kamias naglilihi ngayon si Marian.
“Yun ang unang-unang hinanap ko ke Dong, gusto ko ng kamias,”
Kahit sa gabi ba, naghahanap siya ng kamias?
“Hindi! Mabait akong magbuntis, eh. ‘Pag araw lang, para hindi mahirap hanapin. Saka dun sa unahan ng bahay namin, may puno ng kamias. Pinipitas-pitas na lang namin,”
HINDI PA ALAM ANG GENDER NG BABY
Babae ba ulit o lalaki na ang susunod na magiging anak nila ni Dingdong?
“Ise-share naman namin sa inyo kung anong gender, sa end of November. Sa November 20 kasi pupunta ako sa OB Gyn ko, dun ko pa lang malalaman kung babae o lalaki,”
“Maraming hula, babae raw. May mga nagsasabi, boy naman daw,”
Pero para kay Marian, okey lang sa kanya kung babae ulit o lalaki na ang susunod na magiging anak nila ni Dingdong.
“Kahit ano, okey ako. Ke babae ‘yan o lalaki, ang importante, biniyayaan ulit ako (ng baby) Pero sana, bigyan pa kami ni Lord, huwag ito ang last. Pangarap ko talaga ang magkaroon ng maraming anak. So ngayon na buntis ako, ine-enjoy ko talaga siya. So sana biyayaan pa. Hindi pa nga lumalabas, humihingi na ako, di ba?” natatawang sabi pa niya
Ayaw muna i-reveal ni Marian kung ilang buwan na siyang buntis.
“Basta second semester na ko. Tapos na.”
HINDI SENSITIVE SA MGA AMOY
Hindi ba siya masyadong sensitive sa mga amoy?
“Actually, since day one naman hindi ako sensitive,
“Parang kay Zia din, kumbaga pag may naggigisa, di ba, yung iba ayaw nila? Ayaw nilang maka-amoy ng ganun. Ako parang never akong naka-ano ng ayaw kong amoy. Parang hindi naman ako ganun ka-sensitive.”
Pero may mga gustung-gusto ba siyang amoy?
“Si Dingdong, saka ‘yung anak ko,” sagot niya na natatawa
NA-TOUCH NA ISINANTABI MUNA NI DINGDONG ANG PAGPASOK SA POLITIKA
Natutuwa at sobrang na-touch si Marian, na isinantabi muna ni Dingdong ang pangarap nitong maging isang senador, nang malaman nito na buntis siya. Gusto kasi ni Dingdong na mabantayan at laging nasa tabi ni Marian habang buntis ito.
‘Na-touch nga ako sa asawa ko kasi ang sabi niya,”Mahal ang priority ko, ikaw, yung pamilya natin!” Ayun, napaiyak ako.”
Tiniyak naman ni Marian na mapapanood pa rin siya sa show nilang “Sunday Pinasaya” kahit buntis.
“Sa mga fans ko, kahit buntis ako, asahan ninyo na mapapanood ninyo pa rin ako dun linggo-linggo. Pero ‘pag malapit na ako manganak, siyempre stop na muna ako,” ang pagwawakas ni Marian.