Silvestre Bello inanusyo ang P25 dagdag pasahod sa Metro Manila.
Ni: Jonnalyn Cortez
INANUNSYO ng Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang bagong wage orders sa iba’t-ibang sektor sa mga rehiyon ng Pilipinas na magbibigay ng P10 hanggang P25 na dagdag sahod sa mga manggagawa. Dagdag din dito ang P10 cost of living allowance (COLA) na bumubuo sa bagong minimum wage na PHP 537 para sa mga empleyado sa Metro Manila.
Sakop ng karagdagang P25 ang mga empleyadong nagtatrabaho sa retail at service establishments na may 15 o mas mababa pang trabahador. Kabilang din dito ang mga manufacturing establishments na regular na tumatanggap ng 10 o mas mababa pang bilang ng manggagawa.
Bagong wage order
Sinabi ni Bello sa isang press briefing na inaprubahan ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-NCR) ang bagong wage adjustment para sa mga non-agricultural workers na sakop ng Wage Order No. NCR-22.
Nagkakahalaga ng P502 ang kasalukuyang basic pay sa Metro Manila na may karagdagang P10 COLA na bumubuo sa minimum wage na P512. Ayon ito sa Wage Order No. NCR-21 na inaprubahan noong Setyembre 14, 2017.
“That is now the real wage adjustment, hindi yung speculation na P25,” ani Bello.
Dagdag pa nito, magiging epektibo ang dagdag sa sweldo 15 araw pagkatapos ng publication ng bagong wage order.
Sinabi rin ng labor secretary na magkakaroon ng pagtaas sa sweldo sa Cagayan Valley at MIMAROPA.
Magkakahalaga ng mula P320 hanggang P360 ang magiging bagong minimum wage rate sa iba’t-ibang sektor sa Cagayan Valley pagkatapos aprubahan ng board ang P10 basic wage increase.
Magiging P283 hanggang P320 naman ang minimum wage rate sa iba’t-ibang sektor sa MIMAROPA kapag naaprubahan na ang P12 hanggang P20 na umento sa sahod.
Hindi pa naman naglalabas ng bagong wage adjustment ang Regional Board of Caraga (Region 13), ngunit inaasahan itong magtataas ng pasweldo pagsapit ng ika-isang anibersaryo ng kasulukuyan nitong wage order sa Disyembre 8, 2018.
DOLE: Empleyado sa Metro Manila makakatanggap ng karagdagang sweldo.
Hindi makatarungang taas ng pasahod
Ayon naman sa isang labor group, hindi makatarungan ang karagdagang P25 sa mininimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Matatandaang humihiling ng P334 na taas sweldo ang Associated Labor Unions-Trade Union.
“This is a great injustice for workers who helped build the business; this is injustice for workers who helped our economy grow,” sabi ng tagapagsalita ng nasabing unyon na si Alan Tanjusay sa ANC.
Dagdag pa ni Tanjusay, nakatakdang magsampa ng isa pang petisyon ng dagdag pasahod ang grupo upang itaas ang kasalukuyang minimum wage sa mas katanggap-tanggap na halaga.
Sinabi rin nito na ang inaprubahang dagdag pasweldo ng DOLE ay maliit na halaga lamang kumpara sa kanilang unang hiling.
Naiintindihan ni Tanjusay na ang P25 na umento sa sahod lang ang abot-kaya ng mga micro and small enterprises, ngunit isa itong napakababang halaga para sa mga medium at malalaking negosyo.
“Yung P25 e baryang barya ito sa mga medium and large enterprises,” anito sa isang panayam sa DZMM.
“Baka ho pwedeng P100 man lang yung dagdag sa sahod. Kung P25, wala po, hindi kayang bumili ng isang kilong NFA rice yan.”
Dagdag naman ng dalawang kinatawan ng mga manggagawa mula sa Metro Manila Wage Board na hindi sapat ang P25 na dagdag sa sweldo.
Sinabi ni RTWPB-NCR worker’s representative na si Angelita D. Señorin na hindi ito sang-ayon sa P25 wage increase at P10 COLA.
“The P25 increase and integration of P10 COLA is far from an inclusive increase, given the ‘amazing’ real economic growth,” anito. “Even as productivity has grown, there has been no real wage increase.”
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 8.4 prosyento ang labor productivity rate ng bansa, na naitalang pinakamataas sa loob ng walong taon.
Sinang-ayunan naman ng isa pang worker’s representative na si German N. Pascua Jr. at sinabi ni Señorin ukol sa kakulangan ng P25 na dagdag sweldo para sa mga empleyado sa Metro Manila na tumatanggap lamang ng minimum wage.
“The amount is too small,” anito sa BusinessWorld. Gayunpaman, inamin ni Pascua na bumoto ito para sa P25 na taas sa pasahod at P10 COLA, ngunit pinaliwanag nitong kailangan may “reservations with respect to the amount and coverage.”
Sinabi naman ni Tanjusay na humihiling ang ALU-TUCP ng isang dayologo kay Pangulong Rodrigo Duterte upang pag-usapan ang ukol sa dagdag sa pasahod.
Konsiderasyon sa pagtataas ng pasahod
Pinaliwanag ni National Wages and Productivity Commission Executive Director Criselda Sy na kinukunsidera rin ng wage board ang kakayanan ng mga employer at ng ekonomiya ng bansa ang pagtataas sa pasahod.
“It is a potential source of second round inflationary effect,” anito. “Ibig sabihin po kung ang inflation level natin ay 6.7 percent mas maaari pong tumaas pa diyan.”
“In deciding a minimum wage adjustment, the board needs to balance the needs of workers and their families with the capacity of enterprises to pay the additional labor costs without impairing business especially its capacity to continuously generate jobs,” dagdag naman ni Bello.
Naniniwala naman si dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares na kayang magbigay ng mga employer ng P750 minimum wage rate para sa mga pribadong manggagawa sa Metro Manila mula sa kanilang mataas na kita sa nakaraang mga taon.
“A P238 wage hike now to have the national minimum wage at P750 is feasible considering that firms in NCR with 20 or more workers have a combined profits of P903 billion in 2015 giving an average of P530 daily minimum wage as stated by IBON Foundt’n. #P750NationalMinimumWageNowNa,” anito sa isang tweet.
“Based on this, raising the NCR minimum wage to P750 and ensuring that workers get this will cost just P132 billion which is just 14.6% of their profits. #P750NationalMinimumWageNowNa.”
Sinabi ni Sy na mayroong 10 araw ang mga manggagawa upang umapela sa desisyon ng wage board. Ngunit, nilinaw nito na wala pang ganitong klaseng apela ang nagtagumpay kahit pa umabot sa Korte Suprema.
Sinabi naman ng DOLE na 16 mula sa 17 na Regional Boards ang naglabas na ng bagong wage orders na may halagang P9 hanggang P56 na bagong minimum wage rates mula noong katapusan ng Oktubre.
Naitalang ang pinakamataas na dagdag sa pasahod para sa mga empleyado sa Metro Manila ay naganap noong 2012 na nagkakahalaga ng P30.