Pinas News
SA pandaigdigang antas, nasa isang krisis daw ang buong mundo ngayon dahil sa nakaambang matinding pagbabago sa lagay ng panahon. Ayon sa mga nag-aaral ng klima, maari raw labis na tumindi ang init sa mundo at banta ito sa buhay ng lahat. Sa lokal na antas naman, sa ating bansa, may hinaharap tayong banta sa “food security” na nararamdaman natin, halimbawa na lamang, sa pagtaas ng presyo ng bigas at gulay at iba pang karaniwang pagkain natin.
Ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations, ang food security ay tungkol sa isang sitwasyon kung saan ang “lahat ng tao ay may pisikal, panlipunan at pang-ekonomiyang akses sa sapat, ligtas at nakapagpapalusog na pagkain.” May apat na usapin sa bagay na ito na tutugon sa apat na batayang tanong: May nalilikha o nalilikom bang suplay ng pagkain? Nakukuha ba ng mga mamamayan ang pagkaing ito? Paano nagagamit ang pagkain na ito? May katatagan ba ang suplay nito?
Sa pagitan ng pandaigdigang usapin ng pagbabago ng klima at lokal nating usapin hinggil sa kasapatan ng pagkain, makikita ang kabuluhan, oportunidad, at hamon upang bigyang buhay ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa ngayong taon, halos hindi umaangat ang produksiyong pambansa sa sektor. Sa baba at hina ng kita ng karaniwang mga magsasaka at mangingisda, halos wala nang nais magtiyaga sa gawaing agrikultura. Sa ngayon, 57 taong gulang ang average na edad ng mga magsasakang Pilipino habang napakababa ng enrolment sa mga kurso sa agrikultura at pangisdaan. Paano mabubuhay ang sektor kung wala ng nais manatili dito?
Subalit kailangan nating buhayin ang sektor upang tugunan ang usapin ng food security. Kailangang buhayin ang sekor ng agrikultura. Mismong ang Department of Agriculture ngayon ang nananawagan na buhayin ang pagtuturo ng agrikultura sa elementarya at hayskul upang mas magkainteres ang kabataan sa kaalamang ito.
Sa kabilang banda, dapat namang bigyang-pansin na may mga kaalaman at teknolohiyang pang-agrikultura ngayon na makatutulong sa usapin ng pagbabago ng pandaigdigang klima. May pag-asa! Nariyan ang tinatawag na “organic farming” at “permaculture” na matagal nang pinapalago ng ilang mga grupo subalit halos ngayon lamang nagsisimulang makilala talaga sa ating mga pamayanan.
Ang magkaugnay na mga kaalamang ito, ang permakultura at organikong pagbubukid, kung seryosong bibigyang-pansin at puhunan ng pamahalaan ay magtitiyak na may suplay tayo ng pagkain habang naalagaan ang kalikasan at nakaambag naman sa pagtugon sa pandaigdigang usapin ng nagbabagong klima.